Korean at US nationals arestado ng BI

Ni NERIO AGUAS

Bumagsak sa kamay ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang dayuhan na pinaghahanap ng batas sa kani-kanilang bansa.

Kinilala ni Immigration Commissioner Norman Tansingco ang nasabing mga dayuhan na si Kim Jinsu, 45-anyos, Korean national at Amerikanong si Malik Dejoun Okojie, 26-anyos, na naaresto ng mga tauhan ng fugitive search unit (FSU).

Si Kim, na wanted sa kasong illegal drugs sa Korea, ay nadakip sa kahabaan ng F.B. Hrrison St., sa Pasay City habang si Okojie ay nadakip sa tahanan nito sa Bgy. Bagumpandan, Dumaguete City.

“They will be deported after our board of commissioners has issued the orders for their summary deportation. Afterwards, we will include them in our blacklist to prevent them from re-entering the Philippines,” sabi ni Tansingco.

Si Kim ay may warrant of arrest na inisyu ng Daejeon district court sa Korea matapos kasuhan dahil sa paglabag sa narcotics control act ng kanyang bansa.

Inakusahan ng mga awtoridad na pinamunuan ni Kim ang isang sindikato ng droga na nagsasaayos ng iligal na pag-angkat, pamamahagi at pagbebenta sa Korea ng iligal na droga na nagkakahalaga ng higit sa 5 bilyong won, o humigit-kumulang sa US$3.6 milyon.

Nakapagpuslit din umano ito sa Korea ng humigit-kumulang 6 na kilo ng methamphetamine, 1.5 kilo ng synthetic drugs at 3,000 tableta ng ecstasy tablets na dinala umano gamit ang mga drug mules.

Habang si Okojie, ay may warrant of arrest na inisyu ng Denton county district court sa Texas noong Enero 23 noong nakaraang taon matapos itong kasuhan ng aggravated assault with a deadly weapon na lumalabag sa Texas penal code.

Kinansela rin ng US government ang passport ni Okojie dahilan upang maging undocumented alien at maharap sa summary deportation at pagsasailalim dito sa BI blacklist order.

Kapwa nakakulong sa BI jail facility
sa Camp Bagong Diwa, Taguig City habang inihahanda ang deportation proceedings sa mga ito.

Leave a comment