Paghingi ng paumanhin ni Alice Guo hindi matatanggap ng Senado – Escudero

Ni NOEL ABUEL

“Hangga’t hindi siya nagpapakita at sumusunod sa Senado ay hindi ko matatanggap ang anumang pakiusap na hinihiling niya.”

Ito ang tugon ni Senate President Francis “Chiz” Escudero sa sulat na ipinadala ni suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na natanggap ng una noong araw ng Lunes, Hulyo 22 na humihingi ng paumanhin sa pagmamatigas nitong hindi dumalo sa pagdinig ng Senate Committee on Women, Children Family Relations and Gender Equality.

“Nagpadala si Mayor Alice Guo dalawang araw na ang nakalilipas na humihingi siya ng pang-unawa at paumanhin kaugnay daw sa mga binitiwan niya nu’ng nakaraang linggo subalit wala siyang sinabi kaugnay sa pag-attend niya ng pagdinig ng Senado at pagsunod hindi lamang sa subpoena pero sa warrant of arrest,” sabi ni Escudero.

Sa sulat ni Guo, sinabi nitong dahil sa pagkakasuspende nito ay hindi na nito nagagampanan ang tungkulin at hindi matulungan ang mga kababayan nito.

“Bagama’t nauunawaan ko ‘yung pang-unawang hinihingi niya, hangga’t hindi siya nagpapakita at sumusunod sa Senado ay hindi ko matatanggap ang anumang pakiusap na hinihiling niya du’n sa kanyang liham kaugnay hindi lamang sa pang-unawa pero matulungan ‘yung kanyang mga kababayan dahil mayroon namang pumalit sa kanyang Vice Mayor para ipagpatuloy ang trabaho ng pamahalaan sa Bamban,” dagdag pa ng lider ng Senado.

Nabatid pa sa sulat ni Guo na humihingi ito ng paumanhin kay Escudero sa naging pahayag nito laban sa Senado.

“Wala po akong intensyong pagsabihan o diktahan ang Senado kung ano ang mga dapat bigyang prayoridad. Nauunawaan kop o na ang bawat mambabatas ay may sariling tungkulin at responsibilidad sa bayan,” bahagi ng sulat ni Guo.

Sinabi naman ni Escudero na posibleng naguguluhan si Guo sa kasalukuyang sitwasyon.

“Tingin ko, pati siya ay naguguluhan sa kasalukuyang sitwasyon. Mahirap din naman siguro ang malagay sa ganitong sentro ng atensiyon ng bawat ahensiya ng pamahalaan. Subalit sa dulo sana payuhan siya ng tama ng kanyang mga abogado na humarap at tapusin na itong yugto na ito sa parte ng Senado para maka-focus at concentrate na siya sa mga kasong kinakaharap niya sa DOJ, sa SolGen at sa Sandiganbayan,” payo pa ni Escudero.

Dagdag pa nito na hindi rin dapat na mag-alala ni Guo sa seguridad nito sakaling sumuko sa Senado.

“Palagi naman at titiyakin namin ang kanyang seguridad at matapos niyang mag-attend at matiyak ‘yung kanyang pagdalo, pwede na i-lift ‘yung kanyang contempt and warrant of arrest, ‘yun naman ang iga-garantiya namin sa kanya,” sabi pa ni Escudero.

Leave a comment