PBBM pinuri ni Senador Revilla

Ni NOEL ABUEL

Pinuri ni Senador Ramon Bong Revilla, Jr. si Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos, Jr. sa kanyang naging ikatlong State of the Nation Address (SONA) na natumbok ang kanyang mga inaasahan sa ulat nito sa bayan.

“Nakakahanga ang naging SONA ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos, Jr. Talagang pinalakpakan ito ng paulit-ulit dahil sa pagiging komprehensibo ng ulat ng mga nagawa ng pamahalaan pati na ang mga konkretong plano na sama-sama pa nating tatahakin,” sabi ng mambabatas.

“Kapuri-puri lalo ang naging panimula ng SONA na nagdiin sa importansiya ng presyo ng bigas at pagkain dahil kinikilala nito na hindi magiging lubos ang anumang progreso na ating makamtan, kung kumakalam ang sikmura ng ating mga kababayan,” ani Revilla.

“Lahat naman ng mga nabanggit ko na expectations sa SONA, lumabas at nabigyang diin. Sa pagpapababa ng presyo ng bilihin, food security, sa pagsasaayos ng sahod at trabaho, pagsusulong ng katarungang panlipunan, at patungkol sa ating pambansang seguridad, lahat yan nabigyang diin ni PBBM,” dagdag ng senador.

Sa kanyang SONA, binigyan-diin ni Pangulong Marcos Jr. ang usapin tungkol sa pagtaas ng presyo ng bilihin at ang sektor ng agrikultura.

Tiniyak nito sa mga mamamayang Pilipino na patuloy na nagtatrabaho ng mabuti ang gobyerno para tugunan ang kanilang mga pangangailangan.

Sa kanyang talumpati, inisa-isa ng Pangulo ang mga programa ng pamahalaan para palakasin ang agrikultura at pataasin ang pagiging produktibo nito.

“Masarap pakinggan na alam at dama ng ating Pangulo ang hirap na pinagdaraanan ng ating mga kababayan gaya ng patuloy na hamon sa presyo ng pangunahing bilihin. At alam din natin na pangunahing problema talaga ang kumakalam na sikmura ng ating mga kababayan. Kaya nakakapanatag na ipinamalas ni PBBM ang malalim na pag-unawa niya sa isyung ito kung kaya’t alam din niya na lunas ang pagpapatibay sa sektor ng agrikultura upang maibsan ang gutom ng mga mamamayan,” pahayag pa ni Revilla.

Pinuri rin ng mambabatas ang ulat para sa trabaho at mga manggagawa na tumaas ang employment rate patungong 95.5% at bumaba naman ang underemployment mula 11.7% noong Mayo 2023 patungong 9.9% ngayon.

Binahagi rin ni PBBM na nagkaroon ng umento sa minimum wage ng iba’t ibang sektor sa lahat ng rehiyon sa bansa kasama ang BARMM.

“Pati ang labor sector natin, wagi sa mga natamasa na tagumpay na pamahalaan nitong nagdaang taon. Tumaas ang employment rate at bumaba naman sa all time low ang underemployment. Numbers don’t really lie kaya masaya ako sa naabot na ito! Dagdag pa natin ang mga naging umento sa minimum wage na sabi ng Pangulo e lahat ng rehiyon sa bansa kasama ang BARMM,” ayon pa sa senador.

Ikinatuwa rin ni Revilla ang pagbanggit ng Pangulo sa Kabalikat sa Pagtuturo (KaP) Act na siya mismo ang nag-akda at nag-sponsor.

Ang nasabing batas na nagtaas at nag-institutionalize ng teaching allowance ng mga guro sa pampublikong paaralan ang naging bandera ng mga programa ni PBBM para sa mga guro sa kanyang SONA.

Ikinatuwa rin ni Revilla ang naging mga pahayag ng Pangulo patungkol sa West Philippine Sea at sa tuluyan ng pagbabawal sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa bansa.

“You always save the best for last. Kaya sobrang palakpakan ang mga tao kahapon. Napakatapang ng sinabi ng Pangulo at walang Pilipinong nagmamahal sa bayan ang hindi madadala. “The Philippines cannot yield. The Philippines cannot waiver”. Sapat ang mga salita na ito para madamang ipaglalaban natin ang West Philippine Sea dahil atin ito,” pagdidiin ng mambabatas.

Leave a comment