Signal no. 2 itinaas sa Batanes; Bagyong Carina at habagat nagpaulan sa MM

Ni RHENZ SALONGA

Patuloy na mararanasan ang malakas na pagbuhos ng ulan at malakas na hangin dahil sa bagyong Carina at ng hanging habagat.

Sa weather advisory ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), itinaas na sa signal no. 2 sa Itbayat, Basco, Mahatao, Uyugan at Ivana sa lalawigan ng Batanes.

Signal no. 1 naman sa nalalabing bahagi ng Batanes (Sabtang), Cagayan kasama ang Babuyan Islands, ang silangang bahagi ng Isabela (Divilacan, Palanan, Maconacon, Dinapigue, Tumauini, Ilagan City, San Mariano, Cabagan, San Pablo, Santa Maria), ng hilagang bahagi ng Apayao (Calanasan, Luna, Pudtol, Flora, Santa Marcela), hilagang bahagi ng Ilocos Norte (Pagudpud, Bangui, Adams, Dumalneg, Burgos, Vintar), hilagang bahagi ng Aurora (Dilasag, Casiguran), Polillo Islands, Calaguas Islands, at hilagang bahagi ng Catanduanes (Pandan, Bagamanoc, Panganiban, Viga, Gigmoto, Caramoran).

Huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 320 km silangan ng Basco, Batanes o nasa layong 405 km silangan-hilagang-silangan ng Aparri, Cagayan at kumikilos pakanluran sa bilis na 15 km/h at taglay ang malakas na hangin na nasa 140 km/h malapit sa gitna at pagbugso na nasa 170 km/h.

Nakapagtala ang PAGASA ng 100- 200 mm na ulan sa Batanes, Babuyan Islands, hilaga at silangang bahagi ng mainland Cagayan at Ilocos Sur habang 50-100 mm na ulan naman ang naranasan sa Ilocos Norte, La Union, Abra, Benguet, Apayao, silangang bahagi ng Isabela, at nalalabing bahagi ng Cagayan.

Bukas ng umaga hanggang sa Huwebes, inaasahan ang 100-200 mm na ulan ang mararanasan sa Batanes at Babuyan Islands.

Kung hindi magbabago ng galaw ang bagyong Carina, inaasahan na magla-landfall ito sa hilagang bahagi ng Taiwan bukas ng gabi o sa umaga ng Huwebes bago kikilos patungong Taiwan Strait at sa southeastern China Huwebes ng gabi.

Ngayong araw, naging maulan sa buong Metro Manila, Batangas, Quezon, at Laguna na nagpabaha sa ilang mababang lugar.

Leave a comment