
Ni NOEL ABUEL
Iginiit ni Navotas Rep. Toby Tiangco ang pagsasampa ng kaso laban sa kumpanyang responsable sa pagsira sa Tangos-Tanza Navigational Gate na dapat nakakulong para hindi nakaranas ng matinding pagbaha ang lungsod.
Sinabi ni Tiangco na kung ang flood gate ay operational, ang 81 pumping stations ng pamahalaang lungsod ay maaaring makontrol ang pagbaha.
“In fact, during Ondoy, flooding was controlled even if we only had 24 bombastik stations at that time,” sabi nito.
Sinabi ni Tiangco na mahigpit itong nakikipag-ugnayan sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), ang ahensyang may hurisdiksyon sa pagsasampa ng kaso laban sa responsableng kumpanya.
Desidido ang kongresista na mapananagot ang mga may-ari ng bangka at mga tugboat na may kasalanan.
“Napalaking perhuwisyo ang idinulot ng pagkasira ng floodgate dahil ito ang humaharang sa pagpasok ng tubig kapag high tide. Hindi sana nahihirapan ang mga Navoteño ngayon kung hindi nasira ang floodgate, dahil kakayanin ng 81 pumping stations na makontrol ang taas ng baha. Mas malala pa nga ang sitwasyon noong bagyong Ondoy, pero kontrolado ng Navotas LGU ang baha kahit na mas konti pa ang pumping stations,” pahayag pa ni Tiangco.
“We’re studying the legal options available to make those responsible for the damage of the navigational gate accountable. Ang iniisip natin dito ay ‘yong mga pamilyang Navoteño na binaha dahil sa pagkasira ng floodgate. Hindi biro ang dinaranas nila ngayon kaya kailangan din makipag-usap muli sa MMDA para malaman anong kaso ang maaaring isampa,” dagdag nito.
Magugunitang nasira ang floodgate matapos bumangga dito ang isang bangka na hinila ng mga tugboats dahilan upang hindi nagamit ang floodgate para mabawasan ang pagbaha sa lungsod.
“’Yong pagpilit na hilahin ang barko ng tugboats pagkatapos mabangga ang floodgate, kahit pinipigilan na sila ng mga personnel ng floodgate, hindi aksidente ‘yon,” giit ni Tiangco.
Binigyang-diin ni Tiangco na nakontrol na ang pagbaha sa Navotas mula nang magtayo ang pamahalaang lungsod ng bombastik pumping stations, na nasa 81 na, na humihigop ng tubig sa panahon ng malakas na pag-ulan at high tide.
“Patuloy po ang pag-operate ng mga Bombastik Pumping Stations para mabilis na mapahupa ang tubig na nakakapasok sa ating lugar, ngunit hindi nito kaya pag walang pumipigil sa pagpasok ng tubig-dagat,” ani Tiangco.
“Nag-umpisa na rin ang dredging para sa pag-aayos ng floodgate pero naaantala rin ngayon dahil sa bagyo. Pero hindi sana ito problema kung hindi pinuwersa ng apat na tugboat ang paghila sa vessel nila na nakasira ng floodgate,” sabi pa nito.
Sinabi rin ni Tiangco na ang lokal na pamahalaan ng Navotas ay patuloy na tumutulong sa paglilikas ng mga residente mula sa mga kritikal na lugar patungo sa mga itinalagang evacuation centers sa bawat barangay.
Kabilang din dito ang paggamit ng trak para i-deploy sa ilalim ng Libreng Sakay program ng lungsod, na dumadaan sa mga ruta ng C4-Tangos at C4-SRV upang magbigay ng tulong sa mga apektadong residente.
“Laging handa po ang ating emergency response team para tulungan ang mga Navoteño sa oras ng pangangailangan. Patuloy pong nakaantabay ang ating lokal na pamahalaan para tugunan ang pangangailan ng ating mga kababayan,” ayon pa dito.
