PBBM pinuri ni Senador Revilla

Ni NOEL ABUEL

Pinuri ni Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagsisikap ng pamahalaan upang matiyak ang kaligtasan ng publiko na apektado ng Habagat na pinalala pa ng bagyong Carina.

Nabatid na ang Pangulo ay personal na magtungo sa National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC).

“Mahalaga na sa panahong ito ay matiyak ang kaligtasan ng bawat isa. Tuluy-tuloy naman po ang evacuation at rescue operations kahit na sadyang overwhelmed ang mga barangay, LGUs, MMDA, at iba pang sangay ng pamahalaan,” sa pahayag ni Revilla.

Kasabay nito, umapela ang senador ng kooperasyon ng bawat isa hanggang sa maabot ang lahat ng nangangailangan.

“We are helping out in the rescue of stranded individuals and in the provision of emergency relief to those who have already been evacuated. Lilipas din po ito at makakaraos din tayo,” aniya.

Sinabi pa ni Revilla na bilang chairman ng Senate Committee on Public Works, bubusisiin nito ang mga nangyari at dahilan sa likod ng naganap na matinding pagbaha sa Metro Manila at sa iba pang lugar.

“Umpisa pa lamang ng taon ay pinaalalahanan na natin ang DPWH at MMDA na isaayos ang mga imprastraktura at drainage, at agaran naman silang tumugon na inihanda na nila ang mga ito. Sa kabila niyan, nakita natin ang matinding epekto at abala ng Habagat. Hindi na dapat ito maulit,” sabi ni Revilla.

Leave a comment