POGO at IGLs workers may 60 araw para lumayas ng Pilipinas — BI

Commissioner Norman Tansingco

Ni NERIO AGUAS

Binigyan ng 60 araw o 2 buwan ng Bureau of Immigration (BI) ang lahat ng dayuhan na empleyado ng mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) at Internet Gaming Licensees (IGLs) para umalis ng Pilipinas.

Sinabi ni BI Commissioner Norman Tansingco na ito ay kasunod ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address (SONA) na i-ban ang lahat ng POGO sa bansa.

“Disguising as legitimate entities, their operations have ventured into illicit areas furthest from gaming such as financial scamming, money laundering, prostitution, human trafficking, kidnapping, brutal torture, even murder,” sabi nito.

Sinabi ni Tansingco na ang mga dayuhang nagtatrabaho sa POGOs at IGLs, gayundin ang mga kaugnayan sa service provider nito ay bibigyan ng 59 araw upang ihinto ang kanilang mga gawain at umalis ng bansa.

Aniya, inaasahan na nasa 20,000 dayuhang manggagawa sa nasabing industriya ang aalis ng bansa sa susunod na dalawang buwan.

Idinagdag ni Tansingco na ang mga nakabinbing aplikasyon at bagong aplikasyon para sa visa para sa mga manggagawa ng POGO at IGL ay tatanggihan ng BI.

Tiniyak pa ng opisyal na walang makakalusot na dayuhan sa nasabing kautusan dahil sa may hawak ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ng listahan ng mga dayuhang nagtatrabaho sa POGOs at IGLs.

Nagbabala ito na ang mga lalabag ay sasailalim sa mga deportation proceedings, at sinabi na inatasan na nito ang intelligence division at fugitive search unit na paigtingin ang pag-aresto laban sa mga lumalabag at ilegal online gaming hubs.

Sa kasalukuyan, mahigit 2,300 manggagawa sa mga scam hubs na nagpapatakbo sa pagkukunwari ng mga kumpanya ng pasugalan sa Pilipinas ang naipatapon palabas ng bansa.

Leave a comment