
Ni RHENZ SALONGA
Ibinaba na ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Service Administration (PAGASA) ang signal no. 1 sa lalawigan ng Batanes kasunod ng paghina at tuluyang paglabas ng bansa ng bagyong Carina.
Sa weather advisory ng PAGASA, base sa pinahuling monitoring sa bagyong Carina, ito ay nasa 515 km hilaga-hilagang-kanluran ng Itbayat, Batanes at kumikilos sa bilis na 20 km/h pakanluran taglay ang lakas na hangin na nasa 140 km/h malapit sa gitna at pagbugso na nasa 215 km/h.
Ayon sa PAGASA, habang lumalayo sa Philippine Area of Responsibility ng bagyo ay inaasahan na magla-landfall ito sa southeastern China ngayong hapon o gabi.
Sa Taiwan Strait, ang bagyong Carina ay hihina dahil sa pagdaan nito sa mountainous terrain ng nasabing bansa at ang landmass sa southeastern China.
Ayon pa sa weather bureau, sa kabila ng paglayo ng bagyong Carina ay makaaapekto pa rin ang hanging Habagat ngayong araw na magdadala ng malalakas na pag-ulan sa Ilocos Region, Zambales, at Benguet gayundin sa western portion ng Luzon na magkakaroon ng pag-ulan hanggang sa araw ng Sabado.
Samantala, ngayong araw at bukas ay apektado rin ng Habagat ang Batanes, Babuyan Islands, Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Nueva Vizcaya, Quirino, silangang bahagi ng Isabela, Central Luzon, Metro Manila, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region, Western Visayas, Negros Occidental, at Northern Samar
Sa araw naman ng Sabado, Hulyo 27 ang Batanes, Ilocos Region, Zambales, Bataan, Marinduque, Romblon, at Kalayaan Islands ang makakaranas ng malakas na pag-ulan dulot pa rin ng Habagat.
