Rep. Camille Villar tatakbong senador –Villar family

Ni NOEL ABUEL

Kinumpirma ng pamilya Villar na tatakbo bilang senador si Las Piñas Rep. Camille Villar bilang senador sa darating na midterm elections.

Sa panayam ng mga mamamahayag kina Senador Cynthia Villar at at dating Senador Manny Villar sa 7th Villar Foundation Youth Reduction Challenge Awards, sinabi ng mga itong nagdesisyon na si Rep. Villar na tumakbo sa Senado sa susunod na taon dahil na rin sa maraming tagasuporta nito ang nagkumbinsi dito na pumalit kay Sen. Villar.

“Oo naman tatakbo si Camille nadesisyunan na niya eh. Marami kasi ang nakikiusap at nagtutulak sa kanya, sabi bakit hindi naman hindi di ba? Unang-una kailangan din natin ng kabataan sa Senado. Sapagkat mahirap naman kung puro matatanda du’n. Buti rin kung may kabataan at masigla. Kailangan din naman magaling. Si Camille naman ay master’s degree pa ‘yan sa Spain, hindi naman tayo mapapahiya sa kanyang kakayahan at katangian,” sabi ni Manny Villar.

Sinabi pa nito na wala aniyang pressure kay Rep. Villar mula sa pamilya nito para tumakbo sa susunod na eleksyon bilang senador.

“Andaming humihiling eh. Sabi ko pagbigyan mo na, and anyway kami naman ay nakaranas na maging politiko. Wala namang masama maglingkod sa bayan,” sabi pa ng dating senador.

Ganito rin ang pahayag ni Senador Mark Villar na nagsabing malaking tulong ang kapatid nito sa Senado bilang kinatawan ng mga Kabataan.

“Magaling ‘yung kapatid ko para sa akin. Ang maganda sa kanya siya ang pinakabata. Mas nakaka-relate siya sa kabataan at matagal na siyang tumutulong sa mga kabataan. Tingin ko lang mas maganda kung magkakaroon ng representative sa mga kabataan. So ‘yun ang payo ko sa kanya,” sabi ng senador.

Leave a comment