
Ni NOEL ABUEL
Pinagbibitiw ni Senador Robinhood “Robin” C. Padilla sa Partido Demokratiko Pilipino (PDP)
si Senate Majority Leader Francis Tolentino.
Iginiit ni Padilla, ang bagong pangulo ng PDP, buo ang tiwala nito sa kuwalipikasyon at karanasan ni Tolentino para maging mahalagang bahagi ng liderato ng Senado.
Aniya, para matutukan ni Tolentino ang mabigat na dagdag na tungkulin bilang Senate majority leader ay dapat na pagbitiw na ito sa PDP.
“Dahilan sa bagong mandato na inyong hinaharap sa Senado, buong pagpapakumbaba kong iminumungkahi na marahil po ay mas makabubuti ang iyong pagbibitiw bilang opisyal at kasapi ng PDP-Laban. Sa ganang akin po lamang, ang mungkahing ito po ay upang maiwasan din natin ang pagkuwestiyon, kung magkakaroon man, sa ating pagiging patas sa pagtugon sa mga isyu, lalo sa mga usaping pampulitikal,” sa liham ni Padilla kay Tolentino.
Sa kasalukuyan, si Tolentino ay vice president for Luzon ng PDP habang si Padilla naman ay nanumpa nitong linggo bilang bagong pangulo ng partido.
Ani Padilla, makakatulong din ang pagbitiw ni Tolentino sa partido upang ipamalas ang pagiging independente ng partido.
“Makakatulong din ang hakbang na ito upang ating ipamalas ang ating paninindigan na tayo ay walang kinikilingan, at nananatiling independente sa ating pagtupad sa ating sinumpaang tungkulin bilang mga mambabatas,” sabi ni Padilla.
“Muli’t muli po, nais kong bigyang diin na wala po akong hangad kundi ang patuloy pang suportahan ang iyong mga mabubuting gawain at misyon para sa ating Inang Bayan,” dagdag ni Padilla kay Tolentino.
Sa panig naman ni Tolentino, umapela ito na huwag munang haluan ng pulitika ang isinasagawang pagtulong sa mga naapektuhan ng bagyong Carina.
“Sa panahong ito wag muna tayong mag-usap patungkol sa pulitika; mas mainam magtulungan tayo para mapadali ang rehabilitasyon ng mga kababayan nating biktima ng bagyong Carina lalung-lalo na ‘yung mga nasa mga evacuation centers pa at may mga karamdaman; marami pang nawalan ng tirahan at nasira ang kabuhayan; sila muna ang pag-usapan at tulungan natin,” sa kalatas ni Tolentino.
