
Ni NERIO AGUAS
Iniulat ng Bureau of Immigration (BI) na aabot sa 69 na dayuhan ang naharang at pinagbawalang makapasok sa bansa dahil sa pagiging sex offenders mula Enero hanggang Hunyo ngayong taon.
Sinabi ni Immigration Commissioner Norman Tansingco na mas mababa ang bilang ng mga foreign sex offenders na tinanggihang makapasok sa unang semestre kumpara sa 84 alien sex predators sa parehong panahon noong nakaraang taon.
Idinagdag ni Tansingco na 58 sa mga excluded passengers ay mga registered sex offenders (RSOs) o mga taong may record ng convictions para sa sex crimes sa kani-kanilang bansa.
Habang ang iba pa ay maaaring mga paksa ng mga nakabinbing reklamo o nasa ilalim ng imbestigasyon o pag-uusig para sa iba’t ibang mga sex offenses.
Ayon sa BI chief, itinatadhana ng Philippine Immigration Act ang tahasang pagbabawal sa mga dayuhan na nahatulan ng mga krimeng may kinalaman sa moral turpitude.
Sa datos, 48 na Amerikano ang nanguna sa listahan ng mga excluded sex offenders na sinundan ng apat na Briton at dalawang Australiano.
Nasa listahan din ang isang German national, isang Indonesian, isang overseas British national, at isa mula sa Papua New Guinea.
