
Ni NOEL ABUEL
Personal na nagtungo si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa Navotas City upang magdala ng relief at food packs sa 3,000 evacuees at kanilang mga pamilya na nawalan ng tirahan sa pagbaha sa pananalasa ng Habagat na pinalala ng bagyong Carina.
Nakasama ni Romualdez sa ocular inspection sa nasirang Tangos-Tanza Navigational Gate at pumping station sa Navotas City sina Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr., Appropriations panel chair Rep. Zaldy Co, Navotas Rep. Tobias “Toby” Tiangco at Navotas City Mayor John Rey Tiangco.
“Hatid ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang tulong sa mga nasalanta ng kalamidad. Nandito kami para ipadama, ilapit at ipaabot sa mga mamamayan ang serbisyo ng pamahalaan,” sa pahayag ni Romualdez na katuwang din ang Tingog party list at Department of Social Welfare and Development (DSWD).
“Madami pa tayong pupuntahang mga evacuation centers. Ipaaabot natin sa mga nabiktima ng Habagat at bagyong Carina ang tulong ng pamahalaan, nasaan man silang panig ng bansa. Alam ng ating Pangulo ang sitwasyon at may direktiba na para sa pagtulong sa mga nasalanta,” ayon pa sa lider ng Kamara.
May kabuuang 1,000 relief packs mula sa DSWD na pinangasiwaan ng Office of the Speaker at Tingog party list ang naibigay na sa mga evacuees at ang natitirang 2,000 Puregold relief packs mula kina Romualdez at Tingog ay nakatakdang ihatid ngayong Biyernes sa pakikipag-ugnayan kay Rep. Tiangco, Mayor Tiangco, at mga opisyal ng lokal na pamahalaan.
Noong Huwebes, nakita mismo ni Romualdez ang napinsalang floodgate at ang lawak ng pagbaha sa mga lugar ng Malabon at Navotas.
Ayon kay Rep. Tiangco, maiiwasan sana ng navigational gate ang matinding pagbaha sa Navotas at mga karatig lugar kung ito ay gumagana nang walang anumang pinsala.
Nauna rito, nanawagan si Romualdez na rebyuhin ang flood control master plan upang matiyak ang maayos na pagpapatupad ng mga proyekto at mahusay na paggamit ng pondo.
“Kailangan nating suriin ang plano kontra sa mga baha dahil sa nangyaring ito. Sisiguruhin nating ang national budget natin ay may kaukulang pondo sa pagsasaayos ng mga drainage systems, pumping stations, at kung ano-ani pa laban sa pagbaha,” sabi ni Romualdez.
