DPWH sinita sa hindi kumpletong flood control projects

Senador Alan Peter Cayetano

Ni NOEL ABUEL

Pinuna ni Senador Alan Peter Cayetano ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa palpak na flood control projects nito dahilan upang maraming lugar sa bansa kasama ang Metro Manila na lumubog sa baha sa kasagsagan ng bagyong Carina at Habagat.

Ayon sa senador, nabawasan sana ang mga epekto ng bagyong Carina kung natapos lang ng DPWH ang matagal nang flood control projects.

Ito ay matapos isailalim sa state of calamity ang Metro Manila at limang kalapit na lalawigan matapos malubog sa matinding pagbaha dahil sa bagyo, na nakaapekto sa 882,861 indibidwal o 183,464 pamilya mula sa 686 barangay sa buong bansa nitong July 24, 2024.

“It’s a direct result of years of inaction on crucial flood control projects. This delay isn’t just a failure, it’s a disservice to our communities that are now left unprotected and vulnerable,” sabi ni Cayetano.

Kinuwestiyon ni Cayetano ang DPWH sa pagdinig ng Senado noong nakaraang taon sa 2024 national budget dahil aniya sa maraming taon nang pagkaantala sa pagkumpleto ng flood control projects.

Sinita nito ang paglalaan ng pondo sa mga proyektong ito at iminungkahi na ituon ito sa paggawa ng mga bagong imprastraktura.

“Natuklasan nu’ng hearing na ‘yun na may flood control part na hindi tinuloy ng gobyerno. And this was more than 10 years ago and after that I thought maaayos na lahat,” aniya.

Kinuwestiyon din ni Cayetano ang maintenance at rehabilitation budget ng DPWH, na lumampas sa P200 bilyon – humigit-kumulang sa kabuuang budget nito na P737 bilyon – at kung paano nabigo ang mga proyektong ito na tugunan ang isyu.

“We’re not building better, we’re maintaining and rehabilitating. You’re not putting money into building more networks, you’re putting money into maintaining it,” giit ng senador.

“Is there something wrong with the kind of public works we do? Kasi kung parang one is to one na ‘yung bago sa pine-preserve mo, ibig sabihin, either hindi maganda ‘yung pagkagawa or napakaluma na,” dagdag nito.

Bilang chair ng Senate on Science and Technology, hinimok din ni Cayetano ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na palakasin ang modernization program at hazard mapping nito upang tulungan ang DPWH sa pagpili ng mga magandang lokasyon para sa flood-related infrastructure.

“Out of the P1 trillion sa DPWH budget ay P250 billion ay flood control. But if you spend P30-40 billion budget on hazard mapping that informs where not to build and which river to protect, you may not need P250 billion in flood control in the future,” sabi nito.

“We seem to be neglecting science. Reaction lang kasi after reaction ang paggawa at tinatabunan lang ang maling gawa sa isa,” dagdag ni Cayetano.

Upang makamit ang mga plano ng gobyerno na tugunan ang malawakang pagbaha sa bansa at mabawasan ang mga gastos, nanawagan si Cayetano ng mas malakas na suporta at tamang pagpopondo para sa mga kinauukulang ahensya ng gobyerno, tulad ng Department of Science and Technology (DOST).

“Investing in their capabilities is investing in our nation’s resilience against future disasters,” ayon pa dito.

Leave a comment