Huwag maging mapili sa pagpapasara sa POGO– Sen. Go

Sen. Christopher “Bong” Go

Ni NOEL ABUEL

Nag-iwan ng mahigpit na paalala si Senador Christopher “Bong” Go sa administrasyong Marcos sa total ban sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) na huwag maging mapili sa ipagbabawal na signal.

Ginawa ni Go ang pahayag ilang araw matapos umapela si Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) Chairperson Alejandro Tengco sa Malacañang na 12 sa 43 POGO companies sa Pilipinas ay maligtas sa pagbabawal dahil ito ay mga customer service agents para sa mga gaming companies.

“Dapat totally talaga. Kapag sinabing ‘totally,’ totally. Huwag naman ‘yung selective na mayroong maiiwan,” ayon kay Go.

Nauna rito, sinuportahan ni Go ang pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa kanyang ikatlong State of the Nation Address (SONA) na lahat ng POGOs sa bansa ay agad na ipagbabawal “effective immediately.”

“Naghahasik sila (POGOs) ng lagim dito. Compromised na po ang peace and order. Kaya suportado ko po ang desisyon ng adminstration to totally ban all POGO operations,“ ayon kay Go.

Bilang vice chairperson ng Senate Committee on Public Order, sinabi ni Go na dapat unahin ang peace and order at national security sa pagpapatupad ng mga polisiya at pagsasaayos ng mga naturang aktibidad sa bansa.

“Importante talaga para sa akin ang peace and order. Ayaw ko po na ang Pilipino ang mahihirapan. Importante sa akin ang buhay ng bawat Pilipino. Kaya nga noong panahon ni dating Pangulong Duterte, priority n’ya ang peace and order,” pahayag pa ni Go.

Nauna nang iginiit ni Go ang matagal na nitong posisyon na dapat unahin ng gobyerno ang kapakanan at seguridad ng mga mamamayan.

Kinilala ng senador ang epekto sa ekonomiya ng mga POGO ngunit binigyan-diin ang mga potensyal na panganib at negatibong kahihinatnan ng kanilang patuloy na presensya.

“Tama lang na huwag na nating hintaying lumala pa ang sitwasyon. Huwag na nating hintaying sarili nating mga mamamayan ang mabiktima ng kriminalidad. Huwag na nating hintaying malagay sa panganib ang seguridad ng ating bansa. Katulad ng sinabi ko noon, mahalaga ang peace and order. Kaya suportado ko na maitigil na ang POGO para mapigilan ang mga krimeng nauugnay dito,” aniya pa.

“Ayaw nating madamay pa ang mga ordinaryong mamamayang Pilipino na nais mabuhay nang tahimik at mapayapa. At para sa akin, mas mahalaga ang buhay ng bawat tao, ng bawat Pilipino,” dagdag pa nito.

Leave a comment