
Ni NOEL ABUEL
Iginiit ni House Deputy Minority Leader at Bagong Henerasyon party list Rep. Bernadette Herrera ang kanyang panawagan para sa pagpapahusay ng kaligtasan sa kalsada at kahusayan sa trapiko sa mga expressways at tollways sa bansa.
Muling binigyang pansin ni Herrera ang House Bill (HB) 8161, na inihain nito noong nakaraang taon at kasalukuyang nakabinbin sa House Committee on Transportation, na naglalayong ang hindi pagbabayad ng mga toll fee ay ituturing na isang paglabag sa trapiko, na may kaukulang multa at parusa, at isulong ang paggamit ng mga advanced tolling technologies.
“Our expressways and tollways are the lifelines of our nation’s transportation network. It is imperative that we ensure they are safe, efficient, and accessible. HB 8161 is a crucial step towards achieving this goal,” ani Herrera.
“We must act now to modernize our toll systems and enforce traffic rules to protect our motorists and improve our roadways,” dagdag nito.
“Section 4 of the bill categorizes the non-payment of toll fees as a traffic violation. “This move is designed to deter motorists from bypassing toll payments, which often leads to traffic congestion and accidents,” ayon pa kay Herrera.
Kasama sa panukalang batas ang mga probisyon para sa incremental at pagtaas ng mga parusa para sa mga paulit-ulit na paglabag, pagtiyak ng mahigpit na pagsunod at pagpigil sa mga habitual offenders.
Tinukoy ng Seksyon 5 ang mga parusa para sa mga lumalabag at ang sinumang lalabag sa Section 4 ay papatawan ng P1,000 at suspensiyon ng driver’s license ng 1 buwan para sa unang paglabag, P2,500 at suspensyon ng driver’s license ng 3 buwan para sa pangalawang paglabag, at P5,000 at suspensyon ng driver’s license at pagkumpiska ng lisensya para sa 6 na buwan para sa ikatlong paglabag.
At upang i-streamline ang mga proseso ng pangongolekta ng toll, ipinag-uutos ng panukalang batas ang paggamit ng standardized RFID (radio-frequency identification) system sa lahat ng tollways sa bansa.
“The implementation of standardized RFID systems will provide more efficient and faster toll collection. It will benefit the commuting and motoring public as well as businesses by providing a more seamless and hassle-free toll payment experience, eliminating the need to stop at toll booths and reducing traffic congestion at toll plazas,” paliwanag ni Herrera.
Nakapaloob din sa nasabing panukalang batas ang mga advanced tolling system gaya ng Open Road Tolling (ORT) at Multi-Lane Fast Flow (MLFF) tolling, na nagbibigay-daan para sa automated cashless toll collection.
Ang mga teknolohiyang ito ay nagbibigay-daan sa mga sasakyang nilagyan ng RFID tag na dumaan sa mga toll point na Hindi kailangang tumigil, na magpapahusay sa daloy ng trapiko at nagbabawa sa oras ng paglalakbay.
“Proper enforcement of traffic rules is crucial for the successful implementation of ORT and MLFF tolling systems, as any violation can lead to an increase in accidents and congestion,” ayon pa kay Herrera.
