
Ni NERIO AGUAS
Usap-usapan ngayon na umiiyak ang mga negosyante sa Pasay City dahil sa ilang tiwaling tauhan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang kabi-kabilang umiikot at tumatawag para huthutan sa mga buwis na regular naman nilang binabarayan taun-taon.
Ito ang nabatid mula sa ilang nagrereklamo na nakiusap huwag ipabanggit ang pangalan kung saan dapat umanong paimbestigahan ni BIR Commissioner Romeo ‘Jun’ Lumagui ang pamunuan ng BIR-Pasay upang alamin kung bakit may mga ganitong klaseng reklamo ang mga legal na namumuhunan sa lungsod.
Anila, mahalagang usisain ni Lumagui sina Regional Director Edgar Tolentino, Group Supervisor Jenifer Dalioan at Revenue Officer Mark John Bolatin kung gaano katotoo na may mga taga-BIR ang nangongotong ngayon sa mga businessmen sa lungsod ni Mayor Imelda Calixto-Rubiano.
Sinasabing noon pa ay may mga ‘dumidiskarte’ nang BIR personnel sa mga businessmen para pababain ang binabayarang buwis.
Kahit mali, tanggap umano ng mga negosyanteng ito na pumayag sa illegal na iskima ng paniningil sa kanila noong nakalipas na dalawang taon.
Ang illegal na sistema ng bayaran sa buwis noong taong 2022 at 2024 ay halimbawa ang babayaran nilang buwis ay P500,000.
Sinasabing sinisingil na lang ang mga ito ng ilang tiwaling BIR officials ng P300,000 at ang resibo na ibibigay ay P80,000 hanggang P100,000.
Ibig sabihin, nabubulsa umano ang natitirang halaga mula sa P300,000 ‘discount’ nila na dapat ay P500,000.
Ang ganitong klaseng gawain ay nangyayari rin sa anila sa iba pang lugar, ngunit mas matindi na umano ang ‘kotongan’ ngayon dahil ang dating P500,000 na singil sa kanila ay hinuhuthutan na ang mga ito ngayon ng P5 milyin.
Sa halagang P5 milyon, kailangan umanong magbayad ng isang negosyante ng P3 milyon at ang resibong ilalagay ay P300,000 na lamang.
Halimbawa pa nito ang isang grocery owner na sinisingil ng P7 milyon at ang resibo lamang na ilalagay ay P500,000.
Kalimitang binibiktima anila ngayon ay mga establisimiyento na tinatangkilik ng mga turistang Chinese, Korean at Taiwanese nationals.
“Nagdo-double time sila ngayon para mangotong kasi alam nila isasara na nang tuluyan ang POGO,” sabi naman ng isang abogado ng isa sa mga negosyanteng ginagatasan ng BIR Pasay.
Dahil dito, nanawagan ang mga negosyante kay Lumagui na gumawa ng agarang aksiyon dahil siguradong masisira nang husto ang pangalan ng Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. lalo’t ilang taga-BIR Pasay ang nagyayabang na rin ngayon na malakas ang mga ito sa misis ng BIR commissioner na umano’y tauhan ni First Lady Liza Araneta-Marcos.
