
Ni NOEL ABUEL
Sinimulan na ng Kamara ang imbestigasyon sa sinasabing anomalyang pagbili ng heavy equipment na nagkakahalaga ng P150 milyon sa lalawigan ng Tayabas, Quezon.
Nabatid na nais ni Abang Lingkod party list Rep. Joseph Stephen Paduano na masigurong maiimbestigahan ng tama at walang makaligtaan sa kanilang congressional inquiry hinggil sa umano’y anomalya sa pagbili ng 13 heavy equipments.
Pinangunahan ni Paduano, chairman ng House Committee on Public Accounts, ang imbestigasyon sa isinampang resolusyon ni House Deputy Majority Leader at ACT-CIS party list Rep. Erwin Tulfo, hinggil sa umano’y anomalya sa pagbili at pag-import ng heavy equipment sa Tayabas, Quezon para sa pagpapatupad ng kanilang komprehensibong barangay road network development program.
“Initially nakita natin na talagang may problema sa procurement, pero wala pang final. Hindi pa ito conclusive,” sabi ni Paduano sa isang ambush interview.
Sinabi pa nito na magtatakda ito ng isa pang pagdinig upang higit pang palalimin ang kanilang imbestigasyon.
Kasabay nito, kinondena rin ni Paduano ang Commission on Audit (CoA) sa kanilang kakulangan ng aksyon sa nasabing kuwestiyunableng pagbili.
“Kayo ang mandated at kayo ang dapat sumasagot dito. Kayo ang inaasahan ng gobyerno,” sabi ni Paduano sa mga opisyal ng COA dahil sa kanilang pagkabigong tumugon sa kahilingan ng komite.
Samantala, pinagsabihan din ni Paduano si Mayor Maria Lourdes Pontioso ng Tayabas sa kanyang pahayag na pinaniniwalaang ang imbestigasyon ay may bahid ng pulitika at kagagawan ng kanyang mga kalaban sa pulitika.
“I caution you, Mayor, wala pong pulitika dito. Hindi ko kayo kilala wala akong kakilala sa inyo. Ang iniimbestigahan natin dito ay ang interes ng mga taga-Tayabas,” ani Paduano.
Kinondena naman ni Quezon City 4th District Rep. Marvin Rillo ang lokal na pamahalaan ng Tayabas sa pagpayag sa transaksyon at pagbabayad ng nasabing halaga nang walang inspeksyon ng heavy equipment.
Sa kanyang sponsorship speech, sinabi ni Tulfo na ang anomalya sa pagbili ay isinumbong sa kanya ng mga residente at ilang opisyal ng Tayabas, kaya’t isinampa nito ang House Resolution No. 1657 upang imbestigahan ang kaso.
“We received a report that heavy equipment approximately worth a staggering P150 million was procured by the Tayabas LGU without complying with government procurement laws, rules, and regulations,” sabi ni Tulfo sa kanyang sponsorship speech.
“The heavy equipment was allegedly delivered to and fully paid for by the LGU despite discrepancies in its documents, without prior inspection and acceptance, and despite defects and non-compliance with the specifications of the project,” dagdag pa ng mambabatas.
Ayon kay Tulfo, ang mga heavy equipments ay hindi nagamit at pinabayaang kalawangin na nagpapakita ng lantad na pag-aaksaya ng pampublikong pondo.
“If there are loopholes in the government procurement system, we have to find ways here to plug them so they may never be abused again,” ani Tulfo.
Iginiit ng lokal na pamahalaan ng Tayabas na pinamumunuan ng kanilang alkalde na ang nasabing procurement ay above-board o alinsunod sa batas.
