Pagkalat ng sakit dulot ng pagbaha ibinabala ni Senador Chiz Escudero

Ni NOEL ABUEL

Kasunod ng mapanirang pagbaha sa Metro Manila at mga kalapit na lalawigan, hinimok ni Senate President Francis “Chiz” G. Escudero ang mga local government units (LGUs) na mabilis na mangolekta ng basura at maglinis ng mga debris upang maiwasan ang paglaganap ng sakit at tulungan ang mga residente na bumalik sa normal na pamumuhay.

“I urge LGUs to immediately collect the garbage and debris everywhere ASAP so that the lives of the affected people can gradually return to normal. Grabe ang basura at putik kahit saan,” ayon sa senador.

Nanawagan din si Escudero sa Department of Labor and Employment (DOLE) na gamitin ang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) program para mabigyan ng pansamantalang trabaho ang mga nangangailangan habang tinutugunan ang waste and debris management.

Iminungkahi nito na ang mga barangay ay makipagtulungan sa DOLE upang kumuha ng mga lokal na manggagawa para sa paglilinis, na tinitiyak na ang mga apektadong lugar ay mabilis at epektibong matutugunan.

Binigyan-diin ng pangulo ng Senado ang kritikal na kahalagahan ng isang mabilis at organisadong pagsisikap sa paglilinis upang mabawasan ang mga panganib sa kalusugan at suportahan ang pagbangon ng mga komunidad.

“The last thing we want is for disease to spread aferr this calamity,” giit ni Escudero.

Ang panawagan ni Escudero para sa paglilinis ay kasunod ng kanyang panawagan sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na tugunan ang talamak na pagbaha sa Metro Manila.

Nanawagan din si Escudero ng masusing pagsisiyasat sa mga flood control projects ng gobyerno, na kinuwestiyon ang bisa ng mga hakbangin na ito sa kabila ng multibillion-peso na alokasyon bawat taon.

Sinabi ni Escudero na ang paulit-ulit na pagbaha ay isang masakit na katotohanan na hindi matatanggap, lalo na sa kahalagahan ng ekonomiya ng Metro Manila at ang tungkulin nito.

“Ganito na lang ba palagi? Tatanggapin na lang natin na kapag malakas ang ulan, magbabaha at mapaparalisa ang ikot ng buhay natin? Anong nangyari sa ‘building back better’?” tanong ni Escudero.

Hinimok nito ang DPWH at MMDA na makipagtulungan sa mga LGUs sa pag-inspeksyon sa mga lugar na binaha upang magrekomenda ng medium- at long-term na solusyon para maiwasan na ang pagbaha.

“We cannot control the severity and frequency of typhoons and heavy rains, but we must anticipate, adjust, and adapt so that extreme weather phenomena do not unnecessarily disrupt the lives of our kababayan,” sabi pa ni Escudero.

“Sana ang problema na kinagisnan ng ating mga lola at lolo ay ‘wag nang ipamana sa ating mga apo,” dagdag nito.

Leave a comment