
Ni NOEL ABUEL
Naghain ng resolusyon si Senador Alan Peter Cayetano na nananawagang ipagpaliban ang bidding para sa 600-megawatt at 400-megawatt na power supply requirement ng Manila Electric Company (Meralco).
Sa Senate Resolution 1090, dapat na kumilos ang Senado na ipatigil sa Meralco ang competitive selection process (CSP) nito dahil ang kasalukuyang alituntunin nito ay malabo at hindi patas para sa mga power generation company na gumagamit ng indigenous natural gas.
Ayon sa senador, kailangang suriin ang terms of reference (TOR) nito upang matiyak na ang mananalong bidder ay mapipili nang patas at tunay na may pinakamababang halaga ng supply ng kuryente.
“The Terms of Reference (TOR) of CSP 1 and CSP 2 do not reflect the real preference afforded to indigenous natural gas and its full utilization,” nakasaad sa resolusyon.
Una nang sinabi ni Cayetano na ang naturang isyu sa isinagawang pagdinig ng Senate Committee on Energy noong Hulyo 18, 2024 tungkol sa napipintong pagkaubos ng Malampaya gas at sa layuning paglipat ng bansa sa mas malinis na fuel source.
Sa pagdinig, pinuna ng senador ang tila pag-pabor ng Meralco sa mga power generation company na gumagamit ng imported coal.
Giit ni Cayetano, hindi magagamit ang Malampaya indigenous natural gas kung ang mga katutubong natural gas-powered plants ay hindi bibigyan ng patas na pagkakataon para makipagkumpitensya sa CSP 1 at CSP 2.
Salungat aniya ito sa patakaran at layunin ng EPIRA at Department Order No. 002023-10-0022 na paglipat sa isang malinis na energy mix.
Binatikos din ni Cayetano ang TOR ng Meralco sa pagtrato sa historical actual cost ng mga non-fuel items bilang evaluative lamang at hindi binding.
Ayon sa senador, hindi ito patas para sa mga indigenous natural gas suppliers dahil pinapayagan nito ang mga bidder na may iba pang pinagkukunan ng enerhiya na magsumite ng mas mababang bid, at kalaunan ay bawiin ang mataas na halaga ng non-fuel commodity sa pamamagitan ng mataas na singil sa consumers.
“The lack of clarity in the rules regarding TORs in the biddings will result in the underutilization of our indigenous natural gas [and] open the possibility of circumventing the distribution utilities’ obligation to supply their captive customers in the least-cost manner,” aniya.
“The CSP must ensure fairness and competition in the bidding process so that only power suppliers offering the true least-cost supply will be contracted,” dagdag ni Cayetano.
Dagdag pa rito, binanggit ni Cayetano na maaaring maimpluwensyahan ng Meralco ang resulta ng bidding sa pamamagitan ng pagbago sa kahulugan ng ilang mga konsepto sa kanilang TOR, tulad ng “greenfield.”
Ayon sa Energy Regulatory Commission (ERC), ang “greenfield” ay tumutukoy sa mga proyektong hindi pa umiiral, naitatayo, o pinopondohan. Pero para sa Meralco, ang “greenfield” ay tumutukoy sa mga planta na umaandar na simula Enero 2020.
Sa pagdinig noong Huñyo 18, sinabi ni Cayetano na dapat seryosong isaalang-alang ng DOE at ng ERC ang pagpapahinto ng bidding.
Hindi aniya magdudulot ng labis na pagkaantala kung lilinawin ang lahat ng panuntunang ito at ang ilan pang mga nakabinbing kaso.
