Anti-hospital detention law, dapat dagdagan ng ngipin — solon

Senador Jinggoy Estrada

Ni NOEL ABUEL

Isinusulong ni Senate President Pro-Tempore Jinggoy Ejercito Estrada ang panukalang batas na magbibigay ng karagdagang ngipin sa batas na nagbabawal sa hospital detention.

Ayon sa senador, dahil sa patuloy na nangyayaring pagpigil ng ilang ospital sa paglabas ng mga pasyente, buhay man o patay na, dapat na matigil na ito sa lalong madaling panahon.

“Kahit na mayroon nang umiiral na batas sa loob ng 17 na taon, nagpapatuloy pa rin ang iligal na gawain na ito na mistulang salot sa ating health care system. Sa katunayan, maraming reklamo ang nakarating sa aking opisina mula sa mga kaawa-awang pamilyang nabiktima ng mga walang kunsiyensang ospital,” sabi ni Estrada sa kanyang inihaing Senate Bill No. 2724.

“Walang taong dapat makulong dahil sa utang. ‘Yan ay basic Constitutional right. Anong batas ang pinanghahawakan ng ganitong walang awang mga ospital sa mga mahihirap?” pag-uusisa Estrada na ipinunto ang partikular na isinasaad ng Republic Act No. 9439 na ang mga pasyente ay hindi dapat ginagawang hostage ng mga ospital kung hindi makapagbayad ng mga bayarin.

Sa kanyang panukalang amiyenda sa RA 9439, o ang “An Act Prohibiting the Detention of Patients in Hospitals and Medical Clinics on Grounds of Nonpayment of Hospital Bills or Medical Expenses,” iminumungkahi ni Estrada ang pagpapataw ng mas mataas na multa at parusa laban sa mga ospital na lalabag sa batas.

Mula sa kasalukuyang multa na P20,000 hanggang P50,000, iminungkahi ng senador na itaas ito at gawin nang P200,000 o pagkakakulong ng hanggang tatlong taon o parehong ipataw sa mga opisyal o empleyado ng ospital na hindi sumusunod sa batas.

Maliban dito, mahaharap sa anim na taong pagkakakulong na may kasamang maximum na multa na P2 milyon ang mga director o tagapamahala ng mga ospital o kahalintulad na pasilidad na nagpapatupad ng patakaran gaya ng hospital detention.

Isa sa mga idinulog sa senador ay ang kaso ng isang pasyente sa isang medical center sa Dasmariñas City sa Cavite na pinagbayad muna umano ng hindi bababa sa 70 porsiyento ng kanyang natitirang bayarin bago ipinalabas mula sa pagkaka-confine.

May isa ring pasyente na aniya ay inobliga na bayaran ang kabuuang P650,000 para sa tatlong linggong pagkakaospital dahil sa cardiac arrest bago pinayagang umuwi.

“Mas lalo pa nilang nilulubog sa utang ang pamilya ng pasyente dahil sa lumolobong bayarin dahil sa bawat araw na dumaraan ay patuloy silang nagbabayad sa kuwarto samantalang pwede na namang sa bahay na nagpapagaling ‘yung pasyente,” sabi ng senador.

Para paigtingin ang batas, nanawagan si Estrada na ang mga due for discharge na pasyente o ‘yaong pinapayagan nang lumabas sa pagkakaospital ay maging saklaw ng umiiral na RA 9439.

Naglagay rin si Estrada ng probisyon na ipagbawal ang pagkakait ng mga dokumentong may kinalaman sa pagsusuri, diagnosis, gamot, pangangalaga at pagpapaospital ng pasyente.

Bukod pa dito, sinabi ng senador na ang mga death certificates at iba pang dokumento na kailangan para sa libing ay dapat ibigay sa loob ng 48 na oras.

Kung ang pasyente ay aktibong miyembro ng Social Security System (SSS), Government Service Insurance System (GSIS), o Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth), sinabi ni Estrada na maaaring magpakita ng guarantee letter mula sa alinman sa mga ahensiyang ito kasama ang promissory note bilang alternatibo sa paggarantiya sa pagbayad sa utang.

Kung indigent ang pasyente, maaaring magsumite ng guarantee letter mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Inirekomenda rin ni Estrada na isama sa patakaran ang mga pasyenteng naka-admit sa mga pribadong kuwarto dahil sa kakulangan ng mga non-private rooms o dahil sa matinding pangangailangan ng maysakit o kung inirekomenda ng mga medical professionals na malagay sa intensive care, isolation, quarantine, o iba pang kahalintulad na sitwasyon.

Leave a comment