Babaeng Kyrgystani na nauugnay sa West African drug syndicate arestado ng BI

Ni NERIO AGUAS

Inaresto ng Bureau of Immigration (BI) ang isang babaeng Kyrgystani na inutusang i-deport ng ahensya dahil sa paggiging overstaying at umano’y pagkakasangkot nito sa ilegal na droga.

Sa ulat kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, kinilala ng fugitive search unit (FSU) ng BI ang dayuhan na si Anara Ruslanova, 29-anyos, na naaresto sa isang residential village sa Makati City noong Hulyo 23.

Armado ng mission order, nagsagawa ng pagsalakay ang mga FSU operatives matapos makatanggap ng impormasyon na nagtatago sa nasabing lugar ang naturang dayuhan.

Pinaniniwalaan na si Ruslanova ay may kaugnayan sa mga miyembro ng isang West African syndicate na inaresto ng BI at ng National Bureau of Investigation (BI) sa isang bar sa Makati noong Hunyo 20, 2022.

Si Ruslanova ay iniimbestigahan umano ng NBI hinggil sa kanyang pagkakaugnay sa mga aktibidad ng West African syndicate, partikular ang illegal drug trading activities nito sa bansa.

Kasabay nito, sinampahan ng BI si Ruslanova ng kasong deportation case dahil sa pagiging undesirable at overstaying alien.

Noong Nobyembre 21, 2023, iniutos ng BI board of commissioners na i-deport si Ruslanova at isama sa BI blacklist order, na nagbawal dito sa muling makapasok sa Pilipinas.

Base sa rekord, huling dumating sa bansa ang babaeng Kyrgystani noong Oktubre 4, 2018 at simula noon ay hindi na umaalis pa ng bansa.

Leave a comment