Flood control projects ng pamahalaan pinaiimbestigahan sa Kamara

Ni NOEL ABUEL

Pinaiimbestigahan ni CIBAC party list Rep. Bro. Eddie Villanueva ang flood control projects ng pamahalaan kasunod ng pagbahang naranasan sa bansa dulot ng bagyong Carina at Habagat.

Sa House Resolution 1824 na inihain ni Villanueva, layon nitong magsagawa ng imbestigasyon sa mga sanhi at kinakailangang solusyon sa lumalalang pagbaha sa bansa.

Ayon sa kongresista, napakahalaga at kailangang seryosong suriin ang umiiral na flood control program ng pamahalaan upang makita kung bakit hindi nito mabisang tinutugunan ang pangmatagalang problema ng pagbaha sa kabila ng katotohanang nasa P1 bilyon kada araw ang ginugol sa programa para masolusyunan ang pagbaha, ngunit lalong lumalala ang pagbaha bawat taon.

“The national budget is replete with line item flood control projects spread to several agencies but we do not know if it is following a holistic masterplan. That is why there is an urgent need to evaluate and revise the approach and projects of the government’s flood control program to ensure that we hit the real cause of and right solution to the problem,” sabi ng mambabatas.

Muli ring ipinanawagan ni Villanueva sa mga kapwa nito kongresista na magsagawa ng hiwalay na pagdinig sa flood control program upang hindi masayang ang pondo ng taumbayan.

Leave a comment