
Ni NOEL ABUEL
Pasado na sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara ang panukalang batas na pakikinabangan ng mga pamilyang naulila ng kanilang mahal sa buhay.
Sa House Bill (HB) No. 102 o An Act Providing for Funeral Services to Indigents, and Appropriating Funds Therefor, o “Affordable Funeral Service Act”, na ipinanukala ni Deputy Speaker at Cebu 5th District Rep. Vincent Franco “Duke” D. Frasco, naglalayo nitong pagaanin ang pinansiyal na paghihirap na kinakaharap ng mga pamilya dahil sa labis na mahal na presyo sa mga serbisyo sa libing sa Pilipinas.
Ayon sa kongresista, ang pagpasa sa panukalang batas ay nagmamarka ng isang makabuluhang hakbang patungo sa pagtugon sa isang matinding alalahanin ng mga nagdadalamhating pamilyang Pilipino, lalo na sa mga nabubuhay sa matinding kahirapan.
“The Affordable Funeral Service Act seeks to provide affordable funeral services to indigent and extremely poor families, ensuring that they can honor their departed loved ones without facing severe financial hardship,” ayon sa panukala.
Sa ilalim nito, ang lahat ng mga funeral establishments na mag-aalok ng kanilang serbisyo sa mga mahihirap na pamilya sa pinakamataas na halaga na P20,000.00.
Kabilang dito ang mga mahahalagang serbisyo tulad ng mga serbisyo sa mortuary services, probisyon sa casket o kabaong, at iba pa.
Ang panukalang batas ay ipinakilala bilang tugon sa mga personal na karanasan na ibinahagi ni Frasco, na nagsilbi bilang alkalde ng Liloan at kasalukuyang kumakatawan sa ikalimang distrito ng Cebu.
Binigyan-diin ni Frasco ang kanyang madalas na pakikipagtagpo sa mga pamilya sa kanyang distrito na hindi na kakayanan ang bayaran ang serbisyo sa libing, na humantong sa kanila sa utang at matinding pagkabalisa.
Sa ilalim ng panukalang ito, ang Department of Trade and Industry (DTI) ang mananagot sa pagsubaybay at pagsasaayos ng mga presyo ng serbisyo sa punerarya, habang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay magpapalawig ng funeral/burial o financial assistance sa mga kwalipikadong aplikante.
Sa kanyang sponsorship speech sa ikalawang pagbasa, sinabi ni Frasco na ang batas na ito ay hindi lamang isang regulasyon at ito ay panimula tungkol sa katarungang panlipunan.
“The Affordable Funeral Service Act upholds the dignity of every Filipino, regardless of their income class, and ensures equitable access to affordable funeral services,” ani Frasco.
