

Ni NOEL ABUEL
Nagbigay ng donasyon ang gobyerno ng United Arab Emirates (UAE) para sa mga biktima ng bagyong Carina.
Pormal na tinanggap ng Pilipinas ang donasyon na binubuo ng 2,464 pakete o bag ng 900-gramo ng gatas, 5-kg harina, 400-gramo tsaa, 5-kg bigas, 1.5-litro na mantika, 1-kg red lentils, 1-kg gisantes, 1-kg dates, 375-mg tang powder, 500-gram oats, 850-mg tomato paste, 2-kg asukal, at 1-kg asin.
Kasama rin sa donasyon ang 4,928 pakete at lata ng 400-gram pasta, 400-gram sweet corn, 400-gram green peas, 400-gram red kidney beans, 400-gram na madames, at 9,856 lata ng 170-gram tuna at chickpeas.
Ang turnover ceremony na ginanap noong nakalipas na araw ng Martes sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ay dinaluhan nina Ma. Anna Kathryna Yu-Pimentel, Special Envoy to the United Arab Emirates for Trade and Investments, Department of Social Welfare and Development (DSWD) Sec. Rex Gatchalian, Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos Jr., UAE Ambassador Mohamed Obaid Alqattam, at Reichel Quiñones, Chief of Presidential Protocol and Presidential Assistant on Foreign Affairs.
Nagpahayag ng pasasalamat si Yu-Pimentel sa gobyerno ng UAE, partikular kay Sheikh Mohamed bin Zayed Al Nahyan, Pangulo ng UAE; Sheikh Abdullah bin Zayed bin Sultan Al Nahyan, Minister of Foreign Affairs at Deputy Prime Minister; at Ambassador Alqattam.
“Ang ipinagkaloob na donasyon mula sa gobyerno ng UAE ay patunay ng lumalalim na ugnayan ng UAE at Pilipinas sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.,” sabi ni Yu-Pimentel.
“Tayo ay lubos na nagpapasalamat kay Sheikh Mohamed bin Zayed Al Nahyan at sa gobyerno ng UAE para sa kanilang pagtulong sa oras ng pangangailangan,” dagdag ni Yu-Pimentel.
Binanggit ni Yu-Pimentel na ang kamakailang pagbisita ni First Lady Liza Araneta Marcos sa UAE ay higit pang nagpapatibay sa ugnayan ng dalawang bansa.
“Nagpapasalamat kami kay PBBM para sa kanyang matatag na pamumuno at mabilis na pagkilos upang matulungan ang ating mga kababayan,” ani Yu-Pimentel.
