Malalaking flood control projects zero ang pondo – DPWH Sec. Bonoan

Senador Imee Marcos

Ni NOEL ABUEL

Asahan na sa sandaling bumuhos ang malakas na pag-ulan dulot ng bagyo at hanging Habagat ay magkakaroon muli ng pagbaha sa Metro Manila at sa iba pang lalawigan sa bansa.

Ito ay matapos aminin ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan sa mga senador na walang pondo ang nakalaan para sa malalaking proyekto para sa national flood control masterplan.

Sa joint hearing ng Senate Committee on Public Works Senate, Committee on Environment, Natural Resources and Climate Change, at Public Services at Finance, tinugon ni Bonoan ang pag-uusisa ng mga senador kung ano ang magiging solusyon nito sa dinaranas na pagbaha ng National Capital Region (NCR).

Ayon pa sa kalihim, ang 5,521 flood control projects na sinasabing natapos ng ahensya ay pawang maliliit kung saan ang 18 major river basins sa bansa ay isinasailalim lamang sa pagsasaayos at walang malalaking proyekto dahil sa zero ang pondong ibinigay sa DPWH.

“So there’s an admission on the part of the DPWH that in fact a national flood control masterplan still does not exist? Tama po ba ‘yon? Kasi hiwa-hiwalay ‘yung 18. Di naman sila pinagdugtung-dugtong. Hindi pa naka-align sa MMDA. Merong sari-sarili rin at pira-piraso ‘yung ating LGU,” tanong ni Senador Imee Marcos.

Inusisa ni Marcos si Bonoan kung nasaan ang bilyun-bilyong pondo na inilaan para sa flood control projects ng DPWH.

“How do you choose the projects? Are there guidelines and parameters each time that you submit these billions and billions of request? To what do you allocate if there is no integrated masterplan for the country?” tanong ng senador.

Sinabi naman ni Senador Ramon ‘Bong” Revilla Jr., ang chairman ng komite, noong nakaraang taon pa inuusisa ng mga senador ang national master plan for flood management subalit hanggang ngayon ay tila walang tugon ang DPWH.

“Without an integrated national master plan para tugunan ang baha, patuloy na maging pache-pache ang ginagawa nating mga proyekto para tugunan ang baha. Kahit pa matapos ang mga proyektong ito, kung hindi magiging holistic ang approach, maipapasa lang natin sa ibang lugar ang baha,” paliwanag nito.

Kinumpirma pa ni Bonoan na sa 2024 national budget, ang nakalaang foreign-assisted extensive flood control projects ay nakalagay lamang sa unprogrammed funds.

Sa panig naman ni Senador Joel Villanueva naghahanap ito ng kasagutan sa DPWH at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa dinaranas na pagbaha sa Bulacan na nagpalubog sa malaking bahagi ng probinsya.

Ayon kay Villanueva, sa loob ng 10-taon ay gumastos ang pamahalaan ng P1.14 trillion para sa flood control projects kung saan sa kasalukuyang taon ay mayroong P23 milyon ang DPWH para sa feasibility study lamang.

“I want to know the more than 5,500 completed DPWH flood control projects mentioned during the State-of-the-Nation-Address, Where are they located? Are they integrated in a master plan? I hope this unli-hearings about the unli-floodings will finally be resolved,” pahayag na pag-asa ni Villanueva.

Leave a comment