


Ni NERIO AGUAS
Matagumpay na nasabat ng Bureau of Customs-Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA), sa pakikipagtulungan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG), ang tatlong air parcel na naglalaman ng ilegal na droga noong Hulyo 26, 2024, sa Central Mail Exchange Center (CMEC) sa Pasay City.
Sa pisikal na pagsusuri sa mga kargamento, natuklasan ang 96 disposable vape cartridges na puno ng cannabis oil, 468 gramo ng kush (isang high-grade na marijuana), at 957 gramo ng methamphetamine hydrochloride (shabu), na may street value na P7,386,672.
Nabatid na ang nasabing kargamento ay nagmula sa Estados Unidos, at Pakistan na nakatakdang matanggap ng recipient sa Cebu City, Bacolod City, at Naga City.
Nasa kustodiya na ngayon ng PDEA ang mga nakumpiskang droga para sa karagdagang imbestigasyon at posibleng kasuhan sa ilalim ng Republic Act (RA) 9165, Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, at RA 10863, ang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).
“Our commitment in preventing illegal drugs from entering the country remains unwavering. This operation underscores our dedication to safeguarding our communities,” ayon kay Commissioner Bienvenido Y. Rubio.
