Ugnayan ng illegal POGOs at drug operations natuklasan ng Kamara

Ni NOEL ABUEL

Nabunyag ng House Committee on Public Order and Safety at ng Committee on Games and Amusements na malaki ang ugnayan ng illegal Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) at ng drug trafficking.

Sa pagdinig, ipinakita ni Santa Rosa City Rep. Dan Fernandez ang mga detalye ng pagkakaugnay ng ilang Chinese nationals kabilang ang negosyanteng si Michael Yang at ng illegal POGO activities at drug operations.

Si Yang, na minsang nagsilbi bilang adviser ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, ay nasasailalim sa arrest at detention order mula sa Kamara dahil sa pagtanggi nitong humarap sa pagdinig sa umano’y pagkakasangkot nito sa P3.6 bilyong drug bust sa Mexico, Pampanga, noong nakaraang taon.

“It’s not only the criminal activities of POGOs and the corporations established by Chinese nationals, but also drugs are involved,” ani Fernandez.

Ang panel ni Fernandez at ang Committee on Games and Amusements, na pinamumunuan ni Cavite 6th District Rep. Antonio Ferrer, ay nag-iimbestiga sa paglaganap ng mga kriminal na aktibidad na nauugnay sa mga ilegal na POGO.

Sinimulan ni Fernandez ang kanyang presentasyon sa pamamagitan ng pagtukoy sa malawakang imbestigasyon na sinimulan noong nakaraang taon ng House Committee on Dangerous Drugs, na pinamumunuan ni Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers.

Ang imbestigasyon, na inilunsad sa pamamagitan ng House Resolution (HR) No. 1346, ay nakatuon sa P3.6 bilyong halaga ng shabu na nasabat sa munisipalidad ng Mexico.

Ang paunang pagsisiyasat na ito ay humantong sa karagdagang pagtatanong ng Committee on Public Accounts, na pinamumunuan ni Abang Lingkod party list Rep. Joseph Stephen Paduano, sa mga ari-arian na nakuha sa diumano’y kasabwat ng mga local government units (LGUs) na nagsasangkot kay dating Mexico Mayor Teddy Tumang at Mayor Abundio Punsalan Jr. ng San Simon, kapwa sa lalawigan ng Pampanga.

Ang mga pagsisiyasat na ito ay nagsiwalat na maraming ektarya ng lupa ang binili ng mga korporasyong may mga incorporators na Chinese nationals.

Sa pagtatanghal ng matrix, binanggit ni Fernandez ang mga pinagsama-samang aktibidad ng mga POGO at iba’t ibang korporasyon na itinatag ng mga Chinese national.

Ang matrix ay naglalarawan ng mga koneksyon sa pagitan ng drug trafficking at mga entity.

Kabilang sa mga pangunahing indibiduwal sa matrix si Aedy Yang, incorporator ng Empire 999 Realty Inc., na sinasabing nagmamay-ari ng warehouse kung saan nakuha ang P3.6 bilyong halaga ng shabu ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Ayon kay Fernandez, si Aedy kasama ang Empire 999 co-incorporators na sina Willie Ong at Jack Yang ay binawi na ang kanilang mga pasaporte.

Idinetalye pa ng matrix na si Aedy ay isa ring incorporator ng Golden Sun 999 Realty & Development Corp., kasama si Rose Nono Lin, kasal kay Alan Lim at naaka-link din sa Full Win Group of Companies, na pinamumunuan ni Yang, na kilalang-kilala bilang financier ng Pharmally.

Sinabi pa ni Fernandez na ang incorporators ng Pharmally ay sina Lincoln Uy Ong at Gerald Cruz, kung saan ang huli ay shareholder ng Brickhartz Technologies, na support provider ng Xionwei Technologies, na pag-aaring POGO ni Weixiong Lin, o mas kilalang Alan Lim, na sinasabing sangkot sa 2003 shabu raid sa Cavite.

Dagdag pa ng mambabatas, ang kapatid ni Michael, na si Hong Jiang Yang, ay incorporator ng Paili State Group Corporation, kasama si Rose Nono Lin at Hong Ming Yang, na pinaniniwalaang iba pang alyas ni Michael Yang.

Leave a comment