Diskriminasyon sa motorcycle riders tutugunan ng pag-amiyenda sa Motorcycle Crime Prevention Act — Sen. Tolentino

Ni NOEL ABUEL

Isinusulong ni Senador Francis “Tol” Tolentino ang pag-amiyenda ng ilang mga probisyon ng RA 11235 o ang Motorcycle Crime Prevention Act upang ito ay maging patas at makatarungan sa mga may-ari ng motorsiklo at backriders.

Ang Senate Bill 2555 sa ilalim ng Committee Report No. 11235, kung saan ang author ay si Tolentino at sponsor, at si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa naman ay co-sponsor at co-author nito, ay dumaan sa masusing pagtalakay sa plenaryo noong nakaraang linggo.

Isinabatas ng ika-17 na Kongreso ang RA 11235 upang maiwasan at pagmultahin ang paggamit ng mga motorsiklo sa paggawa ng mga krimen sa pamamagitan ng paglalagay ng mas malalaki, mas madaling mabasa, at color-coded na number plates, identification marks, at iba pa.

Sinasabing isa rin itong hakbang upang protektahan ang publiko mula sa mga kriminal na gumagamit ng motorsiklo at upang mapadali ang pagtukoy sa mga sasakyan na ginamit sa mga krimen, kaya’t nagpapatupad ito ng mas mahigpit na mga alituntunin at regulasyon sa mga may-ari at sakay ng motorsiklo at sa iba pang kinauukulang ahensya ng pamahalaan tulad ng Land Transportation Office (LTO) at Philippine National Police (PNP).

“Under the current setup, the driver and backrider of the motorcycle riding in tandem is immediately treated as suspected criminals”, puna ng senador.

Sinabi ni Tolentino na ang mga pagbabagong ipinasok sa RA 11235 ay hindi na itatrato ang mga drayber at backriders ng motorsiklo bilang mga kriminal.

“We will be amending Section 7 of RA 11235, wherein a plate number will no longer be needed for the front of the motorcycle, and in lieu thereof, an RFID (radio frequency identification) sticker would be required,” ayon kay Tolentino.

Sinabi nito na ang RFID ay naglalaman ng engine number, chassis number, at iba pang mga pagkilala ng sasakyan, na hindi magdudulot ng karagdagang gastos sa pagkuha ng mga plaka ng motorsiklo.

Kakailanganin na gumamit ng mga motorcycle gun scanners upang basahin ang RFID kapag mayroong mga checkpoint at legal stop-and-frisks.

Nais din ni Tolentino na bawasan ang mga multa sa ilalim ng Section 11 ng batas na ito, mula P20,000 hanggang P50,000 at multa na hindi hihigit sa P5,000; tatanggalin na rin ang probisyon ng pagkakakulong.

Nagpasok din ito ng mga pagbabago sa Section 12, na tumutukoy sa pagtanggal, pagbabago, at pandaraya sa mga plate number sa kasalukuyang batas; bababa ang multa mula sa P100,000 hanggang P10,000 bilang pinakamataas na multa; ang pagkakakulang ng prision mayor ay babawasan sa anim na buwang pagkabilanggo, at ang multa ay babawasan din sa P10,000.

Sa Section 13, tungkol sa paggamit ng ninakaw na number plates, ibinaba ang multa sa P10,000 mula sa P100,000 na pinakamataas na multa, at ang parusang prision mayor na ipinataw sa lumabag ay tinanggal na rin.

Binigyan-diin ni Tolentino na ang 9,060,391 na mga plaka ng motorsiklo na hindi pa nilalabas ng LTO hanggang noong Marso 07, 2024 ay nagiging sanhi ng ahensya sa hindi pagpapatupad ng RA 11235.

Kinuwestyon ni Senador Koko Pimentel ang kapangyarihan at awtoridad ng LTO bilang isang administrative agency ang kanilang pagsuspende ng pagpapatupad ng RA 11235, na hindi dumaan sa pag-veto ng Pangulo.

“Should we allow an administrative agency to suspend a law? tanong ni Pimentel.

“I share your opinion. I am of the same opinion that administrative agencies are there to implement and execute the law as enacted by Congress. Congress should likewise continue with its oversight functions regarding the execution of the law,” tugon ni Tolentino.

Gayunpaman, iginiit nito na ang administrative agency, at ang executive department, ay hindi dapat tumanggi na ipatupad ang isang batas na naipasa ng Kongreso.

“But this is a defiance to an act of Congress, an act made by the people’s representatives, which the chief executive did not veto. The Land Transportation Office was, in effect, vetoing it by non-execution and non-compliance,” paliwanag ni Tolentino.

Leave a comment