19 sasakyan sa NAIA nasunog

Ni KAREN SAN MIGUEL

Nabulabog ang ilang pasahero at tauhan ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 makaraang sumiklab ang apoy mula sa extension parking area ng nasabing paliparan.

Sa inisyal na ulat, nasunog ang nasa 19 sasakyan na nakaparada sa extension parking area ng NAIA Terminal 3 ngayong araw, Lunes ng umaga.
Nabatid na natanggap ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang impormasyon tungkol sa nangyaring sunog bago mag ala-1:30 ng hapon at naapula makalipas ang halos kalahating oras.

Base sa ulat, hindi na naapula ang nasunog na mga sasakyan kung saan inaalam pa ng Pasay Fire Bureau ang dahilan ng nasabing sunog.

Inaalam pa kung may nasaktan sa nasabing insidente, na ayon sa (MIAA) ay hindi naman nakaapekto sa operasyon ng paliparan at lumalabas na aksidente ang pangyayari.

Dahil sa pangyayari, agad na iniutos ni Eric Ines, general manager ng MIAA, na maglagay ng fire truck sa mga open parking area sa lahat ng oras upang mabantayan ang mga sasakyan lalo na at nararanasan ang mainit na panahon.

“The spread of fire was fast. What was initially reported to us was one vehicle catches fire, but when the Fire Department arrived to respond, there were already several others that were affected,” sabi ni Ines.

Inaalam din kung nagsimula ang apoy mula sa tuyong damo na nasa parking area dahil sa malakas ang ihip ng hangin na pinaniniwalaan na nagpalala sa sitwasyon ng sunog.

Nilinaw rin ni Ines na pribadong concessionaire ang namamahala sa naturang pay parking area kung saan nangyari ang sunog.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon sa nasabing sunog at matukoy ang dahilan ng pagsiklab ng apoy.

Leave a comment