Indian national arestado sa Clark airport

Ni NERIO AGUAS

Dinakip ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Indian national na natuklasan ng overstaying na sa bansa nang tangkaing umalis sa Clark International Airport (CIA) sa Pampanga.

Sa ulat na tinanggap ni Immigration Commissioner Norman Tansingco, ng mga operatiba ng border control and intelligence unit (BCIU), kinilala ang nasabing dayuhan na si Jasbir Singh, 40-anyos, na naharang sa boarding gate ng CIA noong Abril 17 bago pa makasakay ng eroplano patungong Singapore.

Ayon kay BI-BCIU acting chief Vincent Bryan Allas, ipinakita ni Singh ang kanyang boarding pass na may kasamang immigration departure stamp at emergency travel document na walang BI stamp.

Sinabi ni Allas na malinaw na gustong umalis ng nasabing dayuhan nang hindi nagbabayad ng immigration fees at multa at kinakailangang bayaran ng mga overstaying dayuhang turista bago sila makaalis ng bansa.

Kasalukuyang nakakulong sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa, sa Taguig City si Singh habang inihahanda ang resolusyon para sa pagpapatapon dito pabalik ng bansa nito.

Samantala, sinabi ni Tansingco na tinanggal na nito ang immigration officer na dinaanan ng nasabing dayuhan na tumuloy sa mga gate nang walang kaukulang immigration clearance.

“He will be facing an investigation for possible cases of grave misconduct and conduct prejudicial to the interest of the service,” sabi ni Tansingco na tumangging tukuyin ang pangalan ng nasabing BI personnel.

Dagdag pa nito na bukod sa kanilang BCIU na nagsagawa ng spot checks bilang karagdagang layer ng seguridad, pinalakas pa nito ang kanilang off-site monitoring gamit ang CCTV cameras upang agad na maaksyunan ang mga kahina-hinalang aktibidad.

Sa inisyal na imbestigasyon, huling dumating si Singh noong Disyembre 9, 2023 at na-admit bilang turista sa loob ng 21 araw at mula noon ay hindi na nag-renew ng visa.

Leave a comment