Solon sa mga employers: Libreng financial literacy program ibigay sa mga manggagawa

Senador Jinggoy Estrada

Ni NOEL ABUEL

Naghain ng panukalang batas si Senador Jinggoy Ejercito Estrada na naglalayong obligahin ang mga employers ng magbigay ng libreng programa at sapat na kaalaman sa mga manggagawa nito kung paano makakapag-ipon at mapaghandaan ang kanilang retirement.

“Hindi maaaring balewalain ang papel ng mga employers sa ganitong adhikain dahil sila ang magbibigay ng pinakamadaling paraan para sa ganitong inisyatibo. Kung gugustuhin ng mga employers, magagawan nila ng paraan para maitaas ang antas sa kaalaman ng ating mga manggagawa kung paano sila makakapag-ipon, mamuhunan at iba pa,” paliwanag ni Estrada sa kanyang Senate Bill No. 2630 o Personal Finance Education in the Workplace Act.

“Makakatulong ito sa mga manggagawa dahil mabibigyan sila ng sapat na kaalaman at kasanayan sa tamang paghawak ng kanilang kita at ipon maging ng financial stability,” sabi pa ni Estrada, chairman ng Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources Development.

Dagdag pa nito, makikinabang din ang mga kumpanya sa mga empleyado na may matatag na kalagayang pinansyal dahil mas makakatutok sila sa kanilang gawain kaya’t mas magiging produktibo at kontento sa kanilang trabaho.

Sa ilalim ng SB 2630, kinakailangan na magbigay ng personal finance education program ang mga employers para sa lahat ng kanilang manggagawa.

Kasama sa mga ituturo ang mga konsepto ng behavioral finance, savings, emergency and resilience fund development, debt management, investment, insurance and retirement planning at iba pang kaugnay na personal finance programs.

Ang Department of Labor and Employment (DOLE), sa pakikipagtulungan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at iba pang kinauukulang ahensya ng gobyerno, ay magbibigay ng standard na nilalaman ng programa.

Maaaring isagawa ng employer ang programa sa loob mismo ng kanilang opisina, ipaubaya sa iba o sa pamamagitan ng iba pang available options.

Sa panukalang batas, layon nitong baguhin ang probisyon sa Presidential Decree No. 442 o mas kilala bilang Labor Code of the Philippines.

Nabanggit ni Estrada na isang porsiyento lamang ng mga Pilipino ang nakasagot ng tama sa mga tanong patungkol sa financial literacy batay sa survey na isinagawa ng BSP.

Maliban pa dito, sinabi ng World Bank na nasa 25% lang ng mga Pilipino ang may kaalaman sa basic financial concepts.

Leave a comment