Pag-upgrade ng PGH, itinutulak ni Sen. Estrada

Ni NOEL ABUEL

Itinutulak ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada ang pag-upgrade ng mga serbisyo at pasilidad ng Philippine General Hospital (PGH), ang premiere government-run hospital ng bansa.

“Bilang pinakamalaking pampublikong ospital sa bansa at tanging national referral center para sa tertiary cases, dapat nating tiyakin ang pagbibigay ng PGH ng mataas na kalidad na serbisyong medikal at pangkalusugan,” ayon dito.

Giit ni Estrada, nalulungkot ito sa nangyaring sunog sa PGH na naging sanhi upang maraming nais magpatingin sa nasabing pagamutan ang hindi naserbisyuhan.

“Ang mga nangyaring sunog sa PGH kamakailan ay nagpakita sa atin ng kalunus-lunos na kalagayan nito. Katulad ng libu-libong kababayan natin na umaasa sa serbisyo ng PGH, na karamihan ay mga indigent patients, nangangailangan na rin ang PGH ng agarang atensyon ng Kongreso at pamahalaan,” paliwanag pa ni Estrada.

Layon ng inihain nitong Senate Bill No. 2634 na dagdagan ang kasalukuyang 1,500 bed capacity ng PGH at gawin itong 2,200 beds para mas maraming pasyente ang mapaglingkuran.

Kasabay nito ay ang panukala ni Estrada ng karagdagang mga doktor, nurses at iba pang support personnel para matugunan ang pangangailangan ng mas madaming pasyente ng ospital.

Sinabi pa ng senador na sa loob ng ilang dekada, laging lampas sa kapasidad ng premiere medical center ang bilang ng mga pasyente nito, at kadalasang problema ang siksikan at mahabang pila ng mga pasyenteng naghihintay na mabigyan ng atensyon ng ospital.

Batay sa datos na nakalap ng opisina ni Estrada, nasa mahigit 600,000 ang pasyenteng tinatanggap ng PGH kada taon.

Upang matugunan ang mga hamong ito, iginiit ni Estrada na mahalagang maipasa ang kanyang panukalang batas.

“Mahalaga ang pag-invest sa kalusugan upang magkaroon ang ordinaryong Pilipino ng mas malawak na access sa world-class at abot-kayang tertiary hospital care,” ani Estrada.

Kasama rin sa SB 2634 ang pagtukoy ng kinakailangang pondo sa taunang national budget para maipatupad ang mga panukalang hakbang.

Nakapaloob din sa panukala na inaatasan ang direktor ng PGH na makipag-ugnayan sa Department of Budget and Management (DBM) at Civil Service Commission (CSC) para sa mga bagong posisyon kaugnay sa pagkuha ng karagdagang hospital staff.

Leave a comment