2 Korean fugitives arestado ng BI

Ni NERIO AGUAS

Naaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang Korean fugitives na wanted sa South Korea dahil sa malalaking kasong kinasasangkutan ng mga ito.

Sa ulat ni BI fugitive search unit (FSU) Chief Rendel Ryan Sy kay BI Commissioner Norman Tansingco, kinilala ang mga nadakip na dayuhan na sina Choi Suang Hwan at Kang Seunghoon sa magkahiwalay na operasyon noong Abril 24 sa tulong ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).

Nabatid na si Choi, 53-anyos, ay nadakip sa Brgy. Anunas, Clark Freeport Zone, Angeles City sa bisa ng mission order na inilabas ni Tansingco.

Sinasabing ito ay may outstanding warrant of arrest na inilabas ng Seoul Eastern District Court sa Korea sa kasong fraud na nagkakahalaga ng KW 75.5 million na paglabag sa Article 347- (1) ng Criminal Act of the Republic of Korea.

Dahil dito ang pasaporte ni Choi ay binawi ng Korean government kung kaya’t awtomatikong undocumented alien na ito.

Samantala, si Kang ay naaresto sa kahabaan ng Jose Abad Santos Ave. Clark Freeport Zone, Angeles City matapos mai-tag bilang isang wanted dahil sa isang warrant na inilabas laban dito sa pamamagitan ng Incheon District Court sa Korea.

Ito ay wanted sa kasong fraud na nagkakahalaga ng 850 Million KRW na paglabag sa aggravated crime Punishment of Specific economic Crimes (3)1 -2 ng Criminal Act ng Republic of Korea.

“These arrests underscore our relentless dedication to ensuring the safety and security of our communities. By working hand in hand with our law enforcement partners, we send a clear message that criminals will not find refuge in our country,” sabi ni Tansingco.

Leave a comment