2,000 Las Piñas college students binigyan ng ayuda ni Rep. Villar at DSWD

Ni NOEL ABUEL

Aabot sa 2,000 mag-aaral mula sa mahihirap na pamilya sa Las Piñas City ang nakatanggap ng ayuda mula kay Rep. Camille Villar at sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Nabatid na ang pagsisikap na ito ay isa sa mga programang pampublikong tulong ni Villar na naglalayong tulungan ang mga mahihirap na pamilya ng lungsod na makaahon sa kahirapan.

Alinsunod sa kanyang pagtataguyod sa pag-aaral, ang programa ay naglalayong hikayatin ang mga estudyante na ituloy ang kanilang edukasyon sa kabila ng kahirapan sa buhay.

“Education is the great equalizer. Mahalagang makatapos sa pag-aaral ang ating mga kabataan nang makatulong sila sa pag-ahon sa kanilang mga pamilya mula sa kahirapan,” sabi ng kongresista.

Iginiit ni Villar na sa pamamagitan ng edukasyon, ang mga pamilya ay may pagkakataon na mapabuti ang kanilang buhay at pagbibigay ng isang mas mahusay na hinaharap para sa susunod na henerasyon.

“Sa pamamagitan ng ating munting tulong, nais nating ipakita sa ating mga kabataan na laging handa ang pamahalaan para tulungan sila sa pag-abot sa kanilang mga pangarap,” sabi pa ni Villar, na CEO ng ALL Value Group at managing director ng real estate firm na Vista Land.

Leave a comment