Solon sa mga OFWs: Maging kabahagi sa makasaysayang internet voting

Ni NOEL ABUEL

Inilunsad ng Commission on Elections (Comelec) at ni OFW party list Rep. Marissa “Del Mar” Magsino ang satellite voter’s registration sa pagsisikap na palakasin ang partisipasyon ng mga overseas Filipino workers (OFWs) sa proseso ng eleksyon.

Isinagawa ang satellite voter’s registration sa OFW Tulong at Serbisyo Center sa Ayala Malls Manila Bay, 4th Floor, Macapagal Avenue, Parañaque City kung saan dumayo ang mga nagparehistro.

Ayon kay Magsino, noong 2022 ay nasa 1.8 milyon ang nagparehistro para lumahok sa eleksyon subalit nasa 600,000 lamang ang nagawang makaboto kung kaya’t ngayong 2025 ay umaasa itong mas marami pang OFW ang magpaparehistro.

“Inilalapit ng OFW party list ang ating serbisyo kasama ng Comelec upang nang sa ganoon ay hindi na mahirapan na pupunta sa malayo lalo na ang mga nagtatrabaho sa abroad na kung minsan ang nagiging problema hindi sila pinapayagan ng kanilang employers,” sa panayam ng mga mamamahayag kay Magsino.

“Wala na pong dahilan at excuse dahil ang Comelec ay nag-uumpisa na sa ating internet voting kaya naman ang ginawa ng OFW party list. Ang HB 6770 upang wala nang maging kuwestiyon in the future,” dagdag nito.

Ang Comelec ay naghanda ng Registration Anywhere Program (RAP) para sa local voters at Field Registration Centers (FRC) para sa mga overseas voters.

“Sana ay maging kabahagi ang lahat ng ating OFs at OFWs sa kauna-unahan at makasaysayang internet voting para sa ating mga overseas voters na gagawin sa 76 out of 93 foreign posts. Ito’y ating ipinaglaban, kasama ang Comelec, dahil batid natin ang hirap ng mga OFWs sa pagboto kada eleksyon dahil sa oras at layo ng kanilang trabaho sa mga polling places. Hinihikayat kong makilahok ang lahat ng ating overseas voters na magparehistro at bumuto upang makatulong sa pagpanday ng pamumuno sa ating bansa,” panawagan ni Magsino.

Ayon sa Comelec-Office for Overseas Voting, noong Pebrero, 1.1 milyong overseas voters ang rehistrado ayon sa kanilang pagtatala. Ito’y nais pataasin pa ng poll body gayu’n na maraming Pilipino ang naninirahan sa ibang bansa bilang OFs o OFWs.

Sa inisyatibong ito, nakikipagtulungan ang OFW party list sa information dissemination sa OFWs kasabay ng patuloy na pagtulak ng pagsasabatas ng Internet Voting.

Noong Enero 2023, inihain ni Magsino ang panukalang batas para sa internet voting ng overseas voters sa ilalim ng House Bill 6770 na layong amiyendahan ang Overseas Voting Act of 2003 (Republic Act 10590) upang payagan ang pagboto sa pamamagitan ng email, mga web-based portal, at/o iba pang internet-based na teknolohiya na maituturing na angkop ng Comelec.

Bukod sa pagboto, nais din ng HB 6770 na maging internet-based ang pagrehistro ng overseas voters.

“Kasabay ng pagtulak ng Comelec sa Internet Voting ang ating inisyatibong magkaroon ito ng mas matibay na legal basis kaya’t umaasa tayong pagbukas ng session ay matatalakay na sa plenaryo ang substitute bill sa Internet Voting. Bukod diyan, nais na rin natin isama ang proseso ng electronic o internet-based na pagrehistro. Inaasahan natin ang mas aktibong pakikilahok ng ating overseas voters, lalo ng ating OFWs, sa halalan dahil sa pinadaling proseso ng pagboto, at kalaunan, sana’y pati pagrehistro. Sa laki ng ambag nila sa ating ekonomiya at lipunan, nararapat lang na marinig ang boses nila sa paglahok sa halalan at pagpili ng mga lider na tunay na sandigan nila at ng pamilya nila,” saad pa ni Magsino.

Leave a comment