1,500 mag-aaral sa probinsya ng Panay nabigyan ng ayuda mula kay Speaker Romualdez, DSWD, at CHED

Si Speaker Ferdinand Martin Romualdez habang nagbibigay ng cash assistance sa ilang mag-aaral (sa itaas na larawan) habang sa ibabang larawan ay nagbigay ng payo si Romualdez sa mga mga mag-aaral.

Ni NOEL ABUEL

Kasunod ng naging direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. sa ilalim ng Bagong Pilipinas, may kabuuang 1,500 mag-aaral mula sa lalawigan ng Iloilo, Aklan, Antique, Capiz at Guimaras ang nabigyan ng tulong pinansyal sa ilalim ng isang revolutionary program na naglalayong tumulong sa mga nahihirapang mga mag-aaral sa mga hamon ng pagkamit ng kanilang inaasam-asam na diploma sa mas mataas na edukasyon.

Ito ay matapos pangunahan ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang pamamahagi ng cash aid sa mga mag-aaral sa ilalim ng inisyatiba nito, ang Integrated Scholarships and Incentives Program (ISIP) for the Youth, na isinagawa sa West Visayas State University Medical Center Cultural Center.

“Ang pag-aaral po, maging college man o vocational, ang isa sa pinakamabisang sandata na maaari nating ibigay sa ating mga kabataan na magagamit nila sa pagharap nila sa hamon ng buhay. Bilang isang ama at isa ring negosyante, naniniwala po tayo na ang edukasyon ang ating susi sa tagumpay,” sabi ni Romualdez kasama si Majority Leader at Iloilo 1st District Rep. Janette Garin.

Ang programa kung saan si Romualdez ang pangunahing tagapagtaguyod, ay isinasagawa sa pakikipagtulungan sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Commission on Higher Education (CHED) upang suportahan ang mahihirap ngunit karapat-dapat na mga mag-aaral na mapagtagumpayan ang kanilang mga pinansiyal na hamon sa paghabol sa kalidad ng edukasyon.

Sinabi pa ni Romualdez na ang ISIP program ay bahagi ng kampanya ni Pangulong Marcos na “Bagong Pilipinas”.

Bawat isa sa 1,500 benepisyaryo sa mga lalawigan ng Panay na nagmumula sa 32 institusyong pang-edukasyon ay tatanggap ng P2,000 na cash aid sa pamamagitan ng AICS program ng DSWD at sila ay ipapatala sa ilalim ng Tulong Dunong Program (TDP) ng CHED kung saan makakakuha ang mga ito ng tulong sa scholarship kada taon na nagkakahalaga ng kabuuang P15,000, o P7,500 kada semestre.

“Ang tanging hiling lang ng pamahalaan sa inyo, lalo sana kayong magsumikap sa inyong pag-aaral sa kabila ng kakapusan na inyong nararanasan. Tuparin ang pangarap ng inyong mga magulang at isama ang inyong mga komunidad sa inyong pag-unlad,” sa pahayag ni Romualdez.

“Please study well, work hard, study hard. I assure you success is at hand,” dagdag pa nito.

Bukod sa cash aid, ang mga estudyanteng benepisyaryo ay makatitiyak na magiging bahagi ng Government Internship Program (GIP) pagkatapos ng graduation, at ang kanilang mga magulang o tagapag-alaga na walang trabaho ay maaari ring mag-enroll sa DOLE-TUPAD program.

Kasama rin ni Romualdez sa nasabing okasyon sina Iloilo Vice Gov. Christine “Tingting” Garin, Iloilo City Lone District Rep. Julienne Baronda, Iloilo 2nd District Rep. Michael Gorreceta, Iloilo 3rd District Rep. Lorenz Defensor, Uswag Ilonggo party list Rep. Jojo Ang, at House Committee on Appropriations at Ako Bicol party list Rep. Elizaldy Co, CHED Chairperson Prospero “Popoy” De Vera, at Usec. Terrence Calatrava ng Office of the Presidential Assistant for the Visayas.

“Hindi lang kayong mga mag-aaral ang mabibigyan ng tulong, pati ang inyong mga magulang. Dahil holistic ang approach ng ating pamahalaan sa pagtulong sa mga nangangailangan. Kaya sana ay lahat kayo ay magsipagtapos at abutin ninyo ang inyong mga pangarap,” ani Romualdez.

Leave a comment