8 biktima ng human trafficking nasagip

Ni NERIO AGUAS

Nailigtas ng Bureau of Immigration (BI) ang 8 biktima ng human trafficking sa kamay ng isang babaeng recruiter ng mga ito nang tangkaing lumabas ng bansa

Ayon sa BI, ang mga biktima ay na-recruit para magtrabaho sa bansang Israel bilang hospital at hotel cleaners.

Sa ulat ng immigration protection and border enforcement section (I-PROBES), ang hindi pinangalanang babaeng human trafficker ay tinangkang ipalusot sa BI sakay ng Emirates airlines flight sa Clark International Airport (CIA) Terminal 2 bilang pilgrimage sa Israel.

Inamin ng mga biktima na magtatrabaho ang mga ito bilang tagalinis ng ospital at hotel pagdating sa Israel na may ipinangakong buwanang suweldo na P60,000 hanggang P80,000.

Matatandaang noong nakaraang taon, isinailalim ng bansa ang Israel sa crisis Alert level 2, kung saan tanging ang mga bumalik na overseas Filipino workers (OFWs) na may mga kasalukuyang kontrata sa pagtatrabaho ang pinapayagang bumalik sa kanilang destinasyon at ipagpatuloy ang kanilang trabaho.

Ang naturang recruiter ay naiulat na nagtrabaho bilang isang travel agent, at hinikayat ang mga biktima na magtrabaho sa Israel sa kabila ng may krisis dito.

Ikinuwento ng isa sa mga biktima kung paano nangako ang kanilang ahente na sila ay magtatrabaho sa mas ligtas na bahagi ng Israel.

Binatikos ng BI Commissioner Norman Tansingco ang pakana at sinabing dapat makulong ang recruiter dahil sa paglalagay sa kanyang mga biktima sa kapahamakan.

“All for money, this recruiter has made her victims agree to such circumstances despite the major life risk. She should face what she did in court and must be jailed to serve as an example not to prey on the vulnerabilities of our fellow Filipinos,” aniya.

Lahat ng 9 na pasahero ay itinurn-over sa inter-agency council against trafficking (IACAT) para sa pagproseso.

Ang 8 biktima ay bibigyan ng kaukulang tulong habang ang trafficker ay nahaharap sa mga kaso.

Leave a comment