Problema sa supply ng kuryente sa bansa pinaiimbestigahan ni Sen. Tulfo

Ni NOEL ABUEL

Inihain na ni Senador Raffy Tulfo ng ang resolusyon na naglalayong imbestigahan ang lumalang isyu ng kakapusan sa suplay ng kuryente sa bansa.

Sa Senate Resolution No. 1008, na ipinanukala ni Tulfo, na chairperson ng Senate Committee on Energy, kasunod ng deklarasyon ng red at yellow alerts sa Luzon, Visayas, at Mindanao grids.

Itinaas ang red alert kung ang power supply ay hindi sapat upang matugunan ang pangangailangan ng consumer at ang transmission grid, habang ang yellow alert ay idinedeklara kapag ang operating margin ay hindi sapat upang matugunan ang transmission grid ng contingency requirement.

“It is important to determine the cause of the insufficiency of power supply to meet consumer demand, including the cause of power plant outages and unscheduled shutdowns,” sabi nito.

Noong Abril 16, nakipag-ugnayan na si Tulfo sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) para matiyak na mahigpit na babantayan ng korporasyon, kasama ang Department of Energy (DOE), ang mga generation company para maiwasan ang brownout.

Samantala, ayon sa Independent Electricity Market Operator of the Philippines (IEMOP), ang paglalagay ng parehong Luzon at Visayas grids sa red at yellow alerts ay nagdulot din ng pagtaas ng presyo sa merkado mula 5.55 pesos kada kilowatt hour (kwh) hanggang 13.39 pesos kada kwh sa Luzon, habang ang presyo sa pamilihan para sa Visayas ay tumaas mula 5.73 piso kada kwh hanggang 14.64 piso kada kwh.

Sa paghahain ng nasabing resolusyon, binibigyan-diin ni Tulfo ang pangangailangan na tiyakin na ang mga wastong hakbang at interbensyon ay naisasagawa at dapat isagawa ng mga kinauukulang ahensya ng gobyerno, mga kumpanya ng henerasyon, upang matiyak na mayroong sapat na suplay ng kuryente at para maiwasan ang rotational brownout sa buong bansa.

Ang pagdinig ng Senate Committee on Energy hinggil sa nasabing isyu ay nakatakda sa Mayo 6.

Una nang nagbabala si Senador Sherwin Gatchalian na posibleng magpatupad ng rotational brownout sa buong bansa dahil sa problemang kakulangan sa supply ng kuryente.

“Posible ‘yan. In fact, pinatingnan ko nga itong
mga plantang pumalya, tsaka ‘yung mga hydro na hindi tumatakbo. Pag hindi
talaga tayo gagawa ng cloud seeding o iba pang interventions, talaga
makakakita tayo ng rotating brownouts. At mas mainit, mas tataas ang demand.
Mas mainit, mas bababa ang supply. Dahil wala nga tayong hydro. So, kung wala
tayong ibang intervention, hindi malayo na magkakaroon tayong rotating
brownouts. Especially here in Metro Manila dahil ito ‘yung tinatawag natin,
demand center, load center to it. So, mas mararamdaman natin ‘yan dito,” pahayag pa nito.

Leave a comment