Binay sa LGUs: Tumulong sa turismo sa pamamagitan ng street food

Senador Nancy Binay

Ni NOEL ABUEL

Hinimok ni Senador Nancy Binay ang mga local government units (LGUs) na tumulong na palakasin ang turismo ng Pilipinas sa pamamagitan ng pagpapataas ng kalidad ng karanasan sa pagkain ng street food para sa mga lokal at turista.

“Actually, untapped tourism potential ang street food culture. Dapat sinusuportahan natin ‘yung mga maliliit na mga manininda kasi mahalagang bahagi rin sila ng lokal na ekonomiya. The LGUs can help identify vending and no-vending zones para maayos din ang daloy ng tao at trapiko–lalo na ngayong buhay na buhay ang street food adventure,” pahayag ni Binay.

Iminungkahi ni Binay na ang mga karanasan sa pagluluto ay mahalagang aspeto ng unang impresyon ng tourist destinations na gumaganap ng isang mahalagang papel sa pag-impluwensya sa mga desisyon ng mga turista na bisitahin ang isang lugar.

Bukod dito, sinabi ng senador na ang food tourism ay nagsisilbing isang makapangyarihang gamit sa marketing para sa paghubog ng imahe ng isang lungsod o lokalidad.

“Dahil na rin sa mga food vlogs sa social media, mas nakikilala na ang ating local food culture, lalo na ‘yung mga fusion street foods na talagang dinadayo ng mga foodies at turista. Pinoy street food is not just a culinary experience but also an important part of the Filipinos’ cultural and tourism landscape na maipagmamalaki natin. Kaya mahalagang naririyan din at nakaalalay ang mga LGUs,” sabi nito.

Ayon pa kay Binay, halos palaging napipilitan ang mga street food hawkers at vendor na iligal na okupahin ang mga bangketa at pampublikong espasyo dahil kulang ang mga LGUs sa pagbibigay sa kanila ng disente, malinis, at ligtas na vending zone.

Idinagdag nito na ang mga food hawkers ay palaging nangangamba sa pagpapalayas, demolisyon, at harassment dahil sila ay itinuturing na mga illegal vendors nang walang tamang sanitation certifications, at business permits.

“Di ba, sa Taipei, Bangkok, Singapore, Da Lat (Vietnam), KL’s Bukit Bintang and Jalan Alor, Seoul, Hong Kong at ibang Asian countries, talagang dinadayo ang mga ‘yan dahil sa street food nila? Kailangan lang natin ayusin at i-level up ang mga ganitong food markets, at tulungan din natin silang i-promote as a culinary destination. Marami tayong local flavors worth showcasing to the world,” ayon p sa senador.

Isinasaad ng pananaliksik na ang karanasan ng mga turista sa street food ay nagreresulta sa mas mataas na kasiyahan, positibong mga rekomendasyon mula sa word-of-mouth, at mas malaking posibilidad na makabalik sa destinasyon.

“Sa totoo lang, we can draw valuable lessons from best practices observed in Iloilo, Bacolod, Pasig, or Makati, where strict adherence to food sanitation protocols ensures hygiene, food quality standards, and consumer safety blending it with tourism. Madalas kasi, ang tingin natin sa hawkers ay urban blight, eyesore, public nuisance, at cause of traffic–but they actually play a significant role as a culinary attraction,” ani Binay.

Leave a comment