P10-15 kada kilo ng bigas, target ng Kamara sa Hunyo

Si Speaker Ferdinand Martin Romualdez kasama si ACT-CIS party list Rep. Erwin Tulfo at iba pang kongresista nang matanong ng mga mamamahayag sa planong pagpapababa sa presyo ng bigas sa bansa.

Ni NOEL ABUEL

Target ng Kamara na bago sumapit ang buwan ng Hunyo ngayong taon ay sisikapin na maibaba sa P10.00 hanggang P30.00 ang kada kilo ng bigas.

Ito ang sinabi ni Soeaker Ferdinand Martin G. Romualdez kung saan ginagawa na aniya ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang mga pagbabago sa Rice Tarrification Law para pababain ang presyo ng bigas.

“Ginagawa natin ito kasi sabi ng Presidente we have to find ways na ibaba natin ang presyo ng bigas. So ‘yung tinatarget natin na by June we should bring the price of rice down by at least 10 or even 15 pesos kada kilo,” sabi ni Romualdez.

Sinabi ni Romualdez na hihilingin nito kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na sertipikahan ang mungkahing pag-amiyenda para maisabatas ang mga ito sa lalong madaling panahon.

“We will do this by having the NFA (National Food Authority) bring to the market affordable rice para sa lahat ng mamamayan na pwede silang bumili ng abot kaya na presyo na P30. So ito po ang maari nating mga amendments na pinapaspasan natin,” ayon sa lider ng Kamara.

Sinabi pa ni Romualdez na hihilingin nito sa Senado na trabahuhin ang mga katulad na pagbabago sa batas.

“Ito po ang gusto talaga ng ating Presidente na ibaba ang presyo ng ating bigas para sa mamamayan. So that’s our announcement because our committee on agriculture, aaraw-arawin nila itong mga hearing para ipasok itong mga amendments para magkakaroon tayo ng mas mababang presyo ng bigas sa lahat,” pahayag nito.

Aniya, isasama sa pag-amiyenda ang tariff rates, buwis at ang pinalawak na awtoridad ng NFA na bumili ng palay mula sa mga magsasaka.

“Kagaya po ngayon kasi ang init-init ng panahon at saka ‘yung presyo ay tumataas, gagawa tayo lahat ng paraan at ito ang nakikita natin na napakaganda na bago mag sine die tatapusin natin ito sa Kongreso,” ayon pa dito.

“Kasama po kami diyan sa urgency niyan kasi alam mo naman ‘yung ating mahal na Presidente ayaw na ayaw na mahihirapan ang ating mamamayang Pilipino, the consumers, and of course the rice buyers. Dapat magkakaroon ng tamang presyo ng bigas na abot kaya ng lahat,” dagdag pa ni Romualdez.

Leave a comment