Pagrepaso sa Rice Tarriffication Law sinimulan na ng Kamara

Ni NOEL ABUEL

Ginamit na ng Kamara ang oversight power nito upang repasuhin ang implementasyon ng Republic Act (RA) 11203, o Rice Tariffication Law (RTL).

Ang pagrepaso ay isinagawa alinsunod sa obserbasyon ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa lumalaking hindi naaayong mga halaga sa pagitan ng farmgates at retail ng bigas, gayundin ang mga panawagan ng pamahalaan at ng publiko na maamiyendahan ang batas.

Ilang mambabatas, kabilang sina ABONO party list Rep. Robert Raymund Estrella at Oriental Mindoro Rep. Arnan Panaligan, ang nagsabing tinutugunan lamang ng RTL ang pamamahagi ng binhi, pautang, pagpapalawig at mekanisasyon.

Kanilang binigyan-diin ang agarang pangangailangan para sa mga ahensya sa agrikultura na talakayin ang mga mahahalagang usapin sa irigasyon, na lubos ding napakahalaga sa tuluy-tuloy na produksyon ng bigas sa bansa.

Hinimok naman ni ACT-CIS party list Rep. Erwin Tulfo ang Department of Agriculture (DA) na masusing pag-aralan at repasuhin ang batas, lalo na ang pagbabawal sa National Food Authority (NFA) na direktang magbenta ng bigas publiko.

“By taking away the authority or the power of NFA to sell rice sa public at a lower cost, e inalisan ninyo rin ho ng kapangyarihan ang taong-bayan na mahihirap na bumili ng murang bigas,” aniya.

Tugon naman ni DA Undersecretary Christopher Morales, sinabi nitong ipinapanukala ng DA ang ilang pag-amiyenda, tulad ng mga pagbabago sa regulasyon sa pag-aangkat sa ilalim ng RA 8800, o “Safeguard Measures Act;” ang pagpapairal ng mahigpit na patakaran sa kalinisan at phytosanitary import clearances; at ang pagpapalakas sa tungkuling regulasyon ng Bureau of Plant Industry sa pamamagitan ng mandatoryong green warehouses at mga pagsusuri para sa pagtupad.

Iminungkahi rin nito ang posibilidad na paggagawad ng kapangyarihan sa mga kalihim ng DA at DTI na umangkat ng bigas sa ilalim ng ilang mga kondisyon, gayundin ang pagpapahintulot sa NFA na mag-imbak sa iba’t ibang mga pamamaraan.

Ang mga deliberasyon sa mga posibleng rebisyon sa RA 11203 ay ipagpapatuloy sa ngayong araw ng Martes.

Leave a comment