Pagtaas ng presyo ng pangunahing bilihin iimbestigahan na ng Kamara

Ni NOEL ABUEL

Nagpulong ang House Committee on Trade and Industry upang dinggin sa kinauukulang ahensya ng pamahalaan ang mga mekanismo ng halaga ng mga pangunahing bilihin, at alamin kung bakit ang ilang produkto ay mataas ang halaga sa kabila ng mababang halaga nito sa farmgate.

Binanggit ni Iloilo 4th district Rep. Ferjenel Biron, chairperson ng naturang komite, ang malinaw na hindi naaayong halaga sa pagitan ng farmgate at retail ng mga pangunahing produkto bilang sentro ng usapin.

Aniya nadiskubre ng German research outfit na STATISTA, na nagpapakita ng malaking pagtaas ng halaga ng maraming mahahalagang produkto sa Pilipinas, kumpara sa parehong buwan nang nakaraang taon.

Ipinunto ng mambabatas na ang halaga ng 6 na kilo ng karne ay tumaas mula sa halagang 1,600 noong 2022, sa P1,843 ngayong 2024, habang ang halaga ng 8 kilo ng gulay ay tumaas sa halagang P690 sa P857.

Sinabi ni Steven Cua, pangulo ng Philippine Amalgamated Supermarkets Association Inc. (PASAI) at executive director na ang kasalukuyang sitwasyon ay naaayon sa “law of supply and demand.”

Subalit ipinunto ni Senior Deputy Majority Leader at ACT-CIS party list Rep. Erwin Tulfo na ang bansa ay may sapat na supply ng mga pangunahing produkto at ang halaga sa farmgate ay hindi tumaas, batay sa resulta ng mga nakaraang konsultasyon.

Binanggit nito kung papaano tumaas ang halaga habang ang mga produkto ay dinadala mula sa farm patungo sa mga retailers.

“Nakikita ho natin na tumataas (ang presyo) and then we found out na hindi naman pala tumaas ‘yung farmgate (price). Mayroon tayong excess sa mga itlog, may excess tayo sa poultry products pero medyo mataas pa rin (ang presyo sa supermarket),” ani Tulfo.

Tinukoy nito ang pagtaas ng halaga ng langis, at buwis na ipinapataw sa mga traders sa daan, na ayon sa ilang traders ay dahilan ng hindi naaayong diperensya sa halaga ng farmgate at retail.

Gayunpaman, pinaalalahanan ni Tulfo ang mga traders, brokers at importers na magpairal ng social responsibility.

“Huwag naman ho ‘yung bebenta tayo na hindi ma-afford ng mga kababayan natin,” aniya.

Ipinahayag naman ni Leyte 3rd district Rep. Anna Victoria Veloso-Tuason na ang bansa ay may three-year food logistics agenda, na naglalayong baguhin ang sistema ng pamamahagi ng pagkain sa Pilipinas upang maawat ang inflation.

Leave a comment