Senate President Zubiri nagbitiw bilang Senate president

Makikita sa larawan ang iba’t ibang emosyo sa pagbibitiw ni Senate President Juan Miguel Zubiri. Sa itaas na larawan makikitang manunumpa si Senador Francis Escudero bilang kapalit ni Zubiri.

Ni NOEL ABUEL

Dalawang araw bago ang nakatakdang adjournment ng Kongreso ay nagkaroon ng pagpapalit ng liderato sa Senado kung saan nakudeta si Senate President Juan Miguel Zubiri.

Sa plenary session, nagsalita si Zubiri na nagbitiw ito bilang Senate president matapos na malamang nagkaroon ng pag-uusap ang mga senador na papalit dito.

Aminado si Zubiri na masama ang loob nito sa ilang senador na inakala nitong kakampi subalit sa huli ay bumaligtad at bumoto pabor sa bagong Senate President Francis Escudero, na walang nakalaban sa posisyon.

Tumanggi naman si Zubiri na tukuyin ang mga senador na nauna nang nagsabing 100 porsiyentong suportado ito subalit sa huli ay bumaligtad din.

Sa panayam ng mga mamamahayag matapos ang botohan, ipinagmalaki ni Zubiri ang nagawa nito sa Senado at naging independiyente.

Sa kanyang pagsasalita sa plenaryo, naging madamdamin ang ilang kaalyado ni Zubiri kabilang sina Senador Ronald Dela Rosa, Senador Nancy Binay na hindi naitago ang labis na pagkalungkot sa pagkakatanggal ni Zubiri sa posisyon.

Sinabi pa ni Zubiri na aminado itong ilan sa mga bagay na dahilan ng pagkakasibak dito bilang lider ng Senado ay ang usapin ng people’s initiative o sa isinusulong na charter change.

Gayundin ang isinasagawang pagdinig ng Senate Public Order and Dangerous Drugs na pinamumunuan ni Dela Rosa hinggil sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) leaks kung saan isinasangkot sa drug investigation ng dating PDEA agent na si Jonathan Morales si dating senador at ngayo’y Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., at ang aktres na si Maricel Soriano noong 2012.

Hindi naman sinagot ni Zubiri kung may kinalaman ang pressure ng Malacañang ang pag-alis dito bilang Senate president at tanging ngiti lamang ang tugon nito.

Kasabay ng pagbibitiw ni Zubiri, nagbitiw rin sa hinahawakang posisyon sa Senado sina Senate Pre-Tempore Loren Legarda, Senador Majority Leader Joel Villanueva, Senate Finance Committee Sonny Angara, Senate Committee on Accounts Nancy Binay, at Senador JV Ejercito.

Pinalitan si Legarda ni Senador Jinggoy Estrada habang si Villanueva ay pinalitan ni Senador Francis Tolentino samantalang si Senador Alan Peter Cayetano ay pinalitan si Binay at si Senador Grace Poe ang pumalit kay Angara sa Finance committee.

Samantala, sinabi ni Zubiri na tuluyan nang namatay ang PI kasunod na pagbibitiw ni Angara na siyang nagsasagawa ng pagdinig dito.

Sa kanyang panig umapela si Escudero na ngayong tapos na ang pagpapalit ng liderato sa Senado ay dapat na umabante na ang mga ito at gawin ang kanilang trabaho.

Hindi rin pinalampas ni Escudero na pasalamatan si Zubiri sa mga nagawa nito sa loob ng dalawang taong pagiging Senate president.

“My hats off you, Senate President Zubiri. I salute you and I hope I will make you proud. You especially among all our colleagues and hopefully, you will not leave my side whenever I ask for guidance, whenever I ask for help and whenever I ask for your wisdom,” sa pahayag ni Escudero.

Leave a comment