Dagdag na Sharia Districts, tagumpay sa mga Muslim — Sen. Padilla

Ni NOEL ABUEL

Malaking tagumpay para sa mga Muslim – higit sa pagtatag ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Ito ang sinabi ni Senador Robinhood “Robin” Padilla sa pagpasa sa bicameral conference committee sa panukalang batas na magtatayo ng Sharia districts.

Ayon kay Padilla, hindi lahat na Muslim ay nakatira sa BARMM, ngunit lahat ay sumusunod sa batas ng Sharia na mahalagang bahagi ng kanilang pananampalataya.

“Para sa amin, landmark ito … Maraming salamat po, di ko kayo makalimutan lahat, sa panahon namin nangyari,” aniya.

“Itong pangangailangan namin ng Sharia courts, ito ay isang bagay na parte ng buhay namin. Ang Muslim kalahati ng aming pananampalataya may kinalaman sa pagsunod namin sa Sharia. Nandiyan nakapaloob ang pag-aasawa (at) trading… At hindi yan mabubuhay ng walang Sharia,” dagdag ni Padilla.

Nagpasalamat ang senador sa mga miyembro ng bicameral conference committee na tumulong sa pagpasa ng panukala partikular kay Senate Majority Floor Leader at chairman ng Committee on Justice and Human Rights Senador Francis Tolentino na aniya’y ipinaglaban ang panukala.

Kasama si Padilla sa may-akda ng Senate Bill 2594, na magtatatag ng dagdag na Sharia Judicial Districts.

Pinangunahan ni Tolentino, ang Bicameral Conference Meeting upang talakayin ang ilang mga salungat na probisyon ng Senate Bill No. 2594 at House Bill No. 8257.

Ang Senate Bill No. 2594, na isinusulong ni Tolentino, ay naglalayong magtatag ng 3 Shari’a Judicial Districts at 12 Circuit Courts sa buong Pilipinas.

Layunin nito na masiguro ang mas madaling maabot, pantay, at mabilis na hustisya para sa mga Muslim na Pilipino.

Inaamiyendahan ng panukalang batas na ito ang Presidential Decree 1083, na kilala bilang Code of Muslim Personal Laws of the Philippines, at Batas Pambansa Bng. 129 o ang ‘Judiciary Reorganization Act of 1980’.

Kapwa nagtagumpay ang dalawang Kapulungan na pagkasunduin ang mga salungat na probisyon ng panukalang batas.

Inaasahan ng mga mambabatas na agarang pipirmahan ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang panukalang batas, na magmamarka ng isang makabuluhang hakbang para sa komunidad ng mga Muslim na Pilipino.

Leave a comment