Mayor Alice Guo nalalagay sa alanganin sa tunay na pagkatao

Ni NOEL ABUEL

Lalong tumibay ang paniniwala ng mga senador na hindi tunay na Filipino si Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo matapos lumabas na kuwestiyunable ang ipinakita nitong birth certificate na ipinanganak ito sa Pilipinas maliban pa sa ang pangalan ng ina nito ay pinaniniwalaang peke.

Sa pagpapatuloy na pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality na pinamumunuan ni Senador Risa Hontiveros, ibinulgar ng senador na base sa birth certificate ng alkalde ay napatunayan na isang Chinese national ang tatay nitong si Angelito Guo habang ang sinasabing ina nito na si Amelia Leal.

Giit ni Hontiveros, base sa sertipikasyon mula sa Philippine Statistic Authority (PSA), maliban sa Chinese ang ama ng alkalde ay kuwestiyunble rin ang pangalan ng ina nito dahil sa walang nakitang pangalang Amelia Leal sa PSA.

“Pina-check naming sa PSA ang record, at ito ang nakita namin. Tapos nakalagay sa birth certificate na married ang mga magulang niya,” sabi ni Hontiveros.

Subalit nang ipa-check aniya sa PSA ang pangalan ni Amelia Leal, ay walang nakitang record na magpapatunay na gawa-gawa at imahe lamang ito at hindi tunay na pagkatao.

Kung sakali naman umanong totoo ang pagkatao ng ina ng alkalde ay posible namang hindi ito Filipino at sa halip ay maaaring Chinese national din.

Si Mayor Alice Guo ay iniimbestigahan ng Senado kaugnay ng pagkakasangkot umano nito sa operasyon ng scam hub operation ng illegal POGO sa Bamban, Tarlac kung saan maraming Chinese nationals ang nahuli.

Sinabi naman ni Senador Sherwin Gatchalian, malaki ang paniniwala nitong sangkot sa money laundering ang ama ng alkalde dahil sa kuwestiyunableng malaking pera na ginagamit sa pagpapatayo ng mga gusali sa Bamban, Tarlac na pag-aari ng alkalde.

Giit ng senador nais nitong pakilusin ang Anti-Money Laundering Council (AMLAC) upang imbestigahan kung ang malaking perang ginagamit sa pagpapatayo ng gusali sa nasabing bayan ay mula sa illegal na droga, o sa operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) at sa iba pa.

Inihalimbawa pa ni Gatchalian ang P6.1 bilyon na ipinadala mula China para sa pagpapatayo ng mga gusali sa Bamban, Tarlac na hindi dumaaan sa tamang proseso kung kaya’t posibleng pasok ito sa AMLA.

Maliban dito, nakita rin sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) na nagmamay-ari ng alkalde ng isang helicopter, mga mamahaling mga sports utility vehicles, at maraming lupain na inamin ng alkalde na dating pag-aari nito subalit karamihan ay naibenta na.

Samantala, kinastigo naman ni Senador Raffy Tulfo si Mayor Alice dahil sa kanyang mga di nagtutugmang mga pahayag at talamak na discrepancy sa mga dokumento na dapat sana’y magpapatunay sa kanyang pagkatao, kabilang na dito ang petsa ng kasal ng kanyang mga magulang.

Inusisa ni Tulfo si Guo hinggil sa mga record na nagpakita ng magkaibang petsa ng kasal ng kanyang mga magulang na ang nakatala sa isa ay October 14, 1982 samantalang sa isa naman ay January 21, 1987, na siya ring salungat sa sinabi ng alkalde na isa itong love child.

Paulit-ulit na sinabi ni Guo na hindi kailanman ito nila pinag-usapan ng kanyang Tsinong ama na siya ring nag-alaga sa kanya matapos umano siyang inabandona ng kanyang ina, na siya namang nakakuha ng atensyon ni Tulfo.

Sinabi ni Tulfo na lubos na hindi kapani-paniwala ang alibi at rason ni Guo, binigyang-diin ng senador na natural na reaksyon ng isang tao na magtanong sa tungkol sa kanyang family history lalo pa’t tumakbo siya para maging isang lingkod bayan.

Para tuluyang malaman ang katotohanan sa sa tunay na pagkatao at mga alegasyon na ibinabato kay Guo, hinikayat niyang sumailalim ito sa lie detector test na siya namang sinang-ayunan ng alkalde.

Leave a comment