Wage consultations sa NCR itinakda na ng DOLE

Ni NERIO AGUAS

Itinakda ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang konsultasyon kaugnay ng dagdag sahod sa mga manggagawa sa National Capital Region (NCR).

Sa isang pahayag, sinabi ng DOLE na ang mga konsultasyon sa sektor ng paggawa at employers ay itinakda sa Mayo 23 at Hunyo 4 habang ang pampublikong pagdinig ay gagawin sa Hunyo 20.

Pagkatapos nito, ang Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) sa NCR ang magdedesisyon sa nararapat na pagsasaayos ng minimum na sahod para sa NCR.

Ang mabilis na pagsasagawa ng konsultasyon ay naaayon sa panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa RTWPBs sa kanyang talumpati sa Labor Day na simulan ang napapanahong pagsusuri sa mga antas ng minimum na sahod sa rehiyon sa loob ng 60 araw bago ang anibersaryo ng kanilang pinakabagong wage order.

Kasunod ng direktiba ng Pangulo, ang DOLE, sa pamamagitan ng National Wages and Productivity Commission (NWPC), ay naglabas ng isang resolusyon noong Mayo 6 na nag-uutos sa RTWPBs na simulan ang napapanahong pagsusuri sa minimum na sahod.

Ang kasalukuyang wage order para sa mga manggagawa sa pribadong sektor sa Metro Manila ay nagkabisa noong Hulyo 16, 2023.

Itinatakda nito ang pinakamababang sahod sa P610 para sa mga manggagawa sa non-agriculture sector at P573 para sa mga manggagawa sa sektor ng agrikultura, mga service/retail establishments na nagpapatrabaho ng 15 manggagawa o mas kaunti, at ang mga establisimiyento sa pagmamanupaktura ay regular na gumagamit ng mas mababa sa 10 manggagawa.

Samantala, ang ibang mga rehiyon ay inatasan na patatagin ang kanilang iskedyul ng mga konsultasyon at pagdinig, na naaayon sa direktiba ng Pangulo at sa mga implementing rules and regulations na inilabas ng NWPC.

Leave a comment