5,000 residente ng Tawi-Tawi tumanggap ng cash at bigas kay Speaker Romualdez

Si Speaker Ferdinand Martin Romualdez habang namamahagi ng cash at bigas sa mga benepisyaryo kasama si Tawi-Tawi Lone District Rep. Dimszar Sali, sa Mindanao State University – Tawi-Tawi College of Technology and Oceanography’s Henry V. Kong Gymnasium sa Bongao, Tawi-Tawi

Ni NOEL ABUEL

Aabot sa 5,000 residente ng Tawi-Tawi sa Bangsamoro province ang nakatanggap ng ayudang bigas at pera na ipinagkaloob ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez.

Ang Cash Assistance and Rice Distribution (CARD) program ay ipinamahagi ni Romualdez kasabay ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) sa Tawi-Tawi at iba pang tulong mula sa national government agencies.

“Proud po tayo sa ating inisyatiba na layong magbigay tulong sa ating mga vulnerable sectors sa lipunan. Sinimulan po natin ito noong isang taon at simula noon, napakarami na po nating nabigyan ng ayuda sa ating mga kababayan,” masayang pahayag ni Romualdez.

Nabatid na ang CARD program payout ay isinagawa sa Henry V. Kong Gymnasium, Mindanao State University, kung saan tinawag na “Mr. Rice,” si Romualdez.

“Ang bigas po ay buhay, kaya naman naisip nating ipatupad ang CARD Program para magbigay ng bigas at konting tulong pinansyal sa ating mga mamamayan. Lalo na ngayong mataas ang presyo ng bigas at iba pang bilihin, layon ng pamahalaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos na maibsan ang paghihirap ng mga Pilipino,” ayon pa sa lider ng Kamara.

Sinabi ni Romualdez na ang programang CARD ay tumutugon sa pagtaas ng presyo ng bigas at kasabay nito ay naglalayong suportahan ang mga mahihinang Pilipino sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng abot-kayang access sa bigas at mahahalagang tulong sa pera.

Hindi lamang nilalayon ng programa na palakasin ang purchasing power ng mga benepisyaryo kundi nagsisilbi rin itong estratehikong hakbang laban sa hoarding at manipulasyon ng presyo ng mga stock ng bigas.

Ito ay kumakatawan sa magkasanib na pagsisikap upang tugunan ang mga hamon ng pagtaas ng presyo ng bigas at isulong ang katatagan ng ekonomiya para sa kapakinabangan ng mamamayang Pilipino.

Ang kabuuang 5,000 Tawi-Tawi beneficiaries ay kasama sa marginalized groups tulad ng mahihirap, senior citizens, PWDs, single parents, IPs kung saan tumanggap ang mga ito ng P3,000 sa pamamagitan ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at 7 kilo ng bigas.

“Kasama po ito sa mga programa ni Pangulong Marcos Jr. para labanan ang kagutuman. Kaya tuloy-tuloy lang ang ating distribusyon ng bigas at ayuda para sa ating mga kababayan,” sabi ni Romualdez.

Leave a comment