Achievements ng Kamara sa 19th Congress ipinagmalaki ni Speaker Romualdez

Ni NOEL ABUEL

Ipinagmalaki ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang mga legislative milestone na nakamit ng House of Representatives (Hrep) bago ang Second Regular Session ng 19th Congress na nagdeklara ng sine die.

Sinabi ni Romualdez na ang mga panukalang batas na ipinasa ng Kamara ay nagtataguyod ng pambansang seguridad, katatagan ng ekonomiya, kapakanang panlipunan, at pangangalaga sa kapaligiran na sumasalamin sa pangako ng Kongreso sa kapakanan at kaunlaran ng mamamayang Pilipino.

“Malinaw po ang misyon nating lahat. Kapayapaan sa buong bansa. Seguridad sa mga komunidad. Masiglang ekonomiya. Maunlad na kabuhayan para sa lahat,” aniya.

Nangako rin iti na ipagpatuloy ang pagsusulong ng mga mahahalagang batas na tutupad sa pangarap ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na makapagbigay ng disenteng tahanan para sa bawat pamilyang Pilipino.

Nagpahayag din ng pasasalamat si Romualdez sa mga miyembro ng Kamara kabilang sina Senior Deputy Speaker Aurelio Gonzales Jr., Deputy Speakers, Majority Leader Manuel Jose Dalipe at Minority Leader Marcelino Libanan, committee chairpersons, House secretariat, congressional staff, contractual employees, janitorial services, security personnel at ang media para sa kanilang mga kontribusyon sa tagumpay ng mga sesyon.

Iniulat ni Libanan na ang Kamara, mula nang mabuo ang 19th Congress, ay nakapagpasa ng 221 panukala na pawang national significance at 520 local house bills (HBs).

Ayon naman kay Dalipe ang 12,275 legislative measures na inihain sa 19th Congress, ay hinati sa 10,479 HBs at 1,795 House Resolutions (HRs).

Sa mga output na ito, 61 HBs ang nilagdaan bilang batas, na may anim na pambansang panukalang batas at siyam na lokal na panukala na naghihintay sa pag-apruba ng Pangulo.

Isa pang 746 na inaprubahang legislative measures ang nakabinbin sa Senado.

Ang HRep, gaya ng isinasaad sa HR 1747, ay pinuri rin si Romualdez sa kanyang pambihira, karampatang, at epektibong pamumuno ng Mababang Kapulungang ng Kongreso sa second Regular session ng 19th Congress.

Sa huli, pinagtibay rin ng HRep ang House Concurrent Resolution (HCR) 26, na nagtatakda para sa sine die adjournment ng Second Regular Session ng 19th Congress of the Philippines.

Leave a comment