Heart Evangelista naiyak sa pagiging lider ng Senate Spouses Foundation

File photo

Ni NOEL ABUEL

Ibinuking ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na hindi napigilang maiyak ng misis nitong si Heart Evangelista dahil sa pagkabigla at hindi malaman ang gagawin bilang pinuno ng Senate Spouses Foundation.

Sa kanyang pahayag sa Kapihan sa Senado, inusisa ng mga mamamahayag ang naging galaw ng actress/model na misis nito nang magtungo sa Malacañang kamakailan kasama ang ilang misis ng mga senador kasama si Kath Pimentel, asawa ni Senate Minority Leader Koko Pimentel at si Audrey Zubiri, may bahay ni Senador Juan Miguel Zubiri.

“Naiyak siya nang kaunti, parang hindi daw niya kaya. So inaano ko na, ‘huwag ma-pressure, ‘yung kaya lang, kung ano lang ‘yung kaya. Nakausap niya doon sa Malacanang, nakita niya si Kath Pimentel, si Lani- ‘yong dalawang Lani, nagkausap-usap sila, magmi-meeting yata sila next week,” sabi ni Escudero.

Aniya, pinayuhan nito si Evangelista na gawin lamang nito ay kaya at huwag matakot at magsimula sa ibaba pataas para malaman ang ginagawa ng mga misis ng mga senador.

“Ibig sabihin, huwag ‘yung ang dami-dami agad. Simulan mo muna sa kaunti na parami, kaysa sinimulan nang madami tapos kumonti,” payo nito kay Evangelista.

Sinabi pa ni Escudero na hindi naman maaapektuhan ang ginagawang pagmomodelo ng misis nito dahil sa pagiging lider ng Senate Spouses Foundation.

“Hindi naman ganoon kadami ang functions ng Senate Spouses. In fact, noong tinanong ko si Kath Pimentel, parang once a quarter, usually, Christmas season ang functions nila,” sabi pa ng senador.

Sa kasalukuyan aniya ay wala pang proyektong pinag-aaralan ni Evangelista bilang bagong pinuno ng Senate Spouses.

“Wala pa. Kasi sabi ko nga, sabi niya papakinggan muna niya ang ginagawa na madalas at ibabato niya sa grupo, sa mga miyembro ng Senate Spouses ‘yong idea niya, kukuha siya ng idea sa kanila kung ano pa ‘yong pwedeng magawa. Una, kung itutuloy pa ‘yung dati, kung kayang ipagpatuloy at anong idaragdag,” sabi ni Escudero.

Dagdag pa nito na sa kasalukuyan ay hiniharap na ni Evangelista ang bagong tungkulin nito.

“Sa ngayon willing pa lang. Magiging ready pa lang. Willing pa lang,” sabi pa ni Escudero.

Leave a comment