Panukalang batas na nagbabawal sa POGO inihain sa Senado

Senador Sherwin Gatchalian

Ni NOEL ABUEL

Inihain ni Senador Win Gatchalian ang panukalang batas na naglalayong ipagbawal ang operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa bansa sa gitna ng malakas na kahilingan ng publiko para sa naturang hakbang dahil sa patuloy na tumataas na bilang ng mga krimen na nauugnay sa industriya.

Sa Senate Bill 2689, nakasaad na nilalayon nito na bawiin ang taxability o pagpapataw ng buwis sa offshore gaming sa bansa batay sa itinatakda ng Republic Act 11590, ang tanging batas na naglelehitimo sa operasyon ng mga POGO.

Ang RA 11590 ay nilagdaan bilang batas noong Setyembre 22, 2021 ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

“Ang pangunahing layunin sa huli ay ipawalang-bisa at ipagbawal ang mga operasyon ng offshore gaming sa bansa,” diin ni Gatchalian, sa paghahain nito ng panukala.

Ipinaliwanag ng senador na habang ang industriya ng POGO ay nagdadala ng kita at nagbibigay ng trabaho, ang bansa ay nakikipagbuno sa pagsawata ng mga krimen na may kaugnayan sa POGO.

Binanggit ng senador ang ilang mga insidente na nakarating sa atensyon ng Senado.

Kabilang sa mga naturang insidente ang pagsalakay ng mga awtoridad noong Mayo noong nakaraang taon na kinasangkutan ng Colorful and Leap Group, isang POGO hub na matatagpuan sa Clark Freeport Zone na nagdulot ng pagsagip sa halos isang libong dayuhan at higit isang daan na Pilipino.

Isang hiwalay na pagsalakay ng pulisya naman ang naganap noong sumunod na buwan sa Xinchuang Network Technology sa Las Piñas na sumagip sa may 2,700 na pinaghihinalaang biktima ng human trafficking.

Isa pang raid noong Oktubre ng nakaraang taon ang isinagawa rin laban sa Smart Web Technology sa Pasay City, na humantong sa pagkakatuklas sa loob ng kumpanya ng isang torture chamber, isang aquarium-style viewing chamber, at mga massage parlor na sinasabing ginagamit para sa prostitusyon.

At noong Marso ng taong ito, ang raid na isinagawa sa Zun Yuan Technology sa Bamban, Tarlac ay nag-udyok ng reklamo mula sa isang Vietnamese national ng umano’y human trafficking at serious illegal detention.

Ayon kay Gatchalian, ang iba’t ibang krimen na iniuugnay sa industriya ay nagdulot ng lumalakas na hiling ng publiko para ipagbawal na ang mga POGO, lalo na’t malaki rin ang gastos ng gobyerno sa mga operasyon laban sa mga ito.

Ibinunyag ng senador na ang cost-benefit analysis na isinagawa ng Department of Finance (DOF) noong 2022 ay nagpakita na ang POGO operations ay nakapagbigay ng economic benefits na nagkakahalaga ng P133.7 hanggang P144.5 billion taun-taon.

Sa kabilang banda, ang mga operasyon ng POGO ay nagdulot ng pagkawala ng napakalaking halaga na P147.7 bilyon taun-taon dahil sa mga nawalang potensyal na pamumuhunan at kita sa turismo, kasama na ang mga gastos para sa mga raid.

Nagresulta ito sa net cost na humigit-kumulang P3.3 bilyon hanggang P14 bilyon kada taon, katumbas ng 0.01% hanggang 0.06% ng gross domestic product o GDP.

“Nangangahulugan ito na ang mga operasyon ng POGO ay nagdulot ng higit na pinsala kaysa sa kabutihan, dahil ang mga gastos sa ekonomiya ay mas malaki kaysa sa mga benepisyong nakukuha mula sa mga naturang operasyon,” sabi ni Gatchalian.

Leave a comment